Hacienda Luisita

17 Nov

[Nobyembre 14, 2011] Malapit na naman ang madugong anibersaryo ng karumaldumal na pangyayari sa Hacienda Luisita, ngunit wala pa ring nagbabago sa kalagayan ng mga magsasaka–maging sa usapin ng kanilang karapatan sa lupa man, o sa katayuan ng hustisya para sa mga pinaslang na mga mahal sa buhay. Ilang taon nang naghihintay ang mga magsasaka? Hindi pa rin nakakamtan ang hustisyang hinihingi nila para sa lupa, at sa mga buhay na ninakaw.

Para sa ikapitong anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre, nagtipon ng mga tula ang Kilometer 64 Poetry Collective para buhayin muli sa alaala ng mga tao ang unti-unting pinapatay na karahasan noong Nobyembre 16, 2004.

Makiisa tayo sa paghingi ng hustisyang matagal nang hinihingi ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.
 
 
Tuwid Na Daan Ng Hustisya
(Tanaga kay Apong Laza)

-Pia Montalban
 
Pitong taong hinintay
Hustisya’y di dumantay
Sa kanilang naglakbay
Nadatnan nila’y hukay

Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.

 
 
Kaisa ang Lupa
-Lorena Castro
 
May kung anong tunog ang lupa,
tila tibok ng mga pusong umaasa
sa pangakong tuluyan nang ibinaon
matapos maupo sa termino ng ilang taon.

May kung anong tunog ang lupa,
tila batingaw na umaalingawngaw;
nanunuot sa damdaming nais sumigaw,
nagpapaalala sa lagim na dumalaw
dala ng dilaw na halimaw
na maraming buhay ang ninakaw.

May kung anong tunog ang lupa,
tila mga kamaong patuloy na nauuhaw
para sa kanilang lupang pilit na inaagaw
ng panginoong suot ang dilaw na maskara
ng huwad na repormang kanyang ibinabandera.

“Sumulat para sa tao, hindi para sa Tao.” Ito ang naging matibay na pundasyon sa pamamanitik ni Lorena Castro sa loob ng ilang  taon. Tubong Cavite at panganay sa tatlong magkakapatid kaya nahubog sa katatagan ang kanyang personalidad. Bata pa lamang ay mahilig na sa pagbabasa at pagsusulat si Lorena. Lalo itong nahubog nang magmedyor siya sa asignaturang Filipino ng Pansekundaryang Edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sa kandungan ng Maynila niya namulatan ang malagim at masalimuot na bahagi ng mundong kaiba sa kanyang kinalakhan. Naglakbay. Nagmasid. Namulat.

 
 
Dalawa
-Genaro R. Gojo Cruz
 
Tulad mo, naitala rin sa pahina ng lupa
ang kasaysayan ng aking kamatayan-

Ang iyong tahimik na pag-iral,
Ang simula ng aking paghihimagsik.

Tulad mo, inihatid din ako ng dasal
ng ating mga mahal na kababayan-

Ikaw, ng mga umiibig sa kalayaan,
Ako, ng mga itinatakwil ang kasakiman.

Sa ating himlayan,
Dumadagsa ang ating mga dalaw-

Sa iyo’y mababangong bulaklak.
Sa aki’y luha ng mga hampas-lupa.

At sa ating katahimikan, tiyak na masusunod
Ang mahigpit nating bilin sa ating mga naiwan-

Huwag ninyong bibitawan ang ating lupa.
Bawiin ninyo sa kanila ang ating lupa.

Si Genaro R. Gojo Cruz ay lumaki sa Pastol, Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan.  Nakasungkit ng Ikatlong Karangalang-Banggit  sa Talaang Ginto: Gawad KWF sa Tula – Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo noong Abril 2011 ang kaniyang “Ang Aking Corazon at iba pang Tula ng Pagtangis”.

 
 
Tagpas
-Ed Nelson R. Labao
 
Tubo na inani pa sa
Hacienda Luisita.

Pinutol

ang mga
biyas.

Inilaan sa aming
mga
dukha

may kakitiran
at
pinagduluhan.

11 Agosto 2011

Si Ed Nelson R. Labao ay gumaod nang matingkad na karanasan sa lansangan, laot at pandaigdigang pantalan. Naging aktibistang politikal, NGO worker, political consultant, seaman at negosyante. Gaya ng isang Ipuipo, hinigop siyang magsulat na salungat sa kasalukuyang ihip ng hangin. Kabilang ang kanyang mga tula at sanaysay sa mga antolohiya ng ANI 23 (Literatura ng mga Bagong Bayani), ANI 28 (The Gender Isuue) at ANI 35 (The Pinoy as Asian) ng Cultural Center of the Phils. Unang nalathala ang kanyang mga tula sa PAROLA, isang seaman’s journal na nakabase sa Netherlands. Kabilang ang  kanyang mga tula sa Tulang Marino at eksibisyon ni Johannes Ode na Kuhang Marino: Images of Filipino Seafarer, itinanghal sa University of the Philippines, Jorge Vargas Museum (2006). Binigkas ang kanyang mga tula bilang bahagi ng Tulang Marino sa Conspiracy Bar sa pakikipagtulungan ng U.P Institute of Creative Writing (Likhaan). Kabilang ang kanyang mga tula sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010).

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: