CEASEFIRED*

31 Dec

-mula sa fb note ni MJ Rafal

Minsan, tinutuso din ako ng sariling mga paa
gayong inililigaw ako sa Maynilang akin namang kinalakhan
bakit tagaktak pawis pa rin akong napadpad
sa Kalye Art Gallery, sa kalye Estrada, Malate?
Baha ng pawis ang mukha, binati ako
ng umaalulong na feedback ng videoke. Sabi nga ni Stum,
parang Smashing Pumpkins ang videoke:
si James Iha ang pumapasakalye.

Kumakanta sila Maureen, Amihan at Michelle ng cheesy songs.
Nakita kong lumalagablab sa lamig ang dalawang plastik ng yelo,
naghihintay na maihain sa plastik ding baso
na kaniniigan ng The Bar: pumili ka kung orange o lemon.
Kahahalik lamang ng aking puwitan sa umiingit na upuan
nang dumating sina Ate Mari at Sir Noni at ang anak niya
na straight from New York. May lalaban na raw
sa kantahan kay Ginoong, Kataas-taasang Axel Pinpin.

Bumilang ang mga minuto, sumabak na rin sa kainan
ang busog ko pang tiyan; bagama’t sabik na itong malamanan
pagka’t tinunaw na ng mahabang lakaran
ang cornedbeef at kanin na nilantakan sa bahay.
Kaunting pansit malabon at dalawang hiwa ng letsiyong manok
ang agad na naubos. Salamat sa Potluck ng mga kasama,
mapintog, mayaman sa pagkain, kahit ngayong gabi lamang,
ang hapag ng KM64 Post Xmas Season Ceasefire.

Sandaling pahinga, mayamaya’y sumabak na rin ako
sa tumbahan ng bote’t baso. The Bar ang nakanguso
kaya’t iyon ang napiling languyan ng labi.
Yelo, baso, coke. Solb ang konting hilo.
At umikit sa iba’t-ibang palad ang Songlist.
Ganado na sa biritan ang mga makatang nilimot muna,
panandali, ang tumula at manalinghaga
at nagpatianod sa ritmo at haraya ng mga awitin.
Kumanta si Stum ng Balisong ng Rivermaya.
May bumanat ng Jovit Baldivino, Buttercup at Francis Magalona.
Si Madonna naman ang diniskartehan ni Ate Mari
at nag-Now and Forever si Sir Noni.
Siya naman akong tirada ng Landslide ng Smashing Pumpkins,
na pinilahan ng Boys Don’t Cry at Friday I’m In Love ng The Cure.
May sumingit pang Order Taker ng PnE at ilang Tom Jones at Nobody.

Masaya ang lahat.
Masaya bagama’t may lamat ng iilang sandali ng pag-alaala
kay Ginoo, Kataas-taasang Alexander Martin Remollino,
lalo pa’t may magtatangkang mag-Ely Buendia’t kantahin
ang Para sa Masa, na ipinagsumamong kantahin sana ni Bong
ng Artist Arrest.
At syempre, sino ba ang main event ng pagtitipon? ‘Ika nga ni Ate Mari,
kakasuhan niya si Stum, ng False Advertising, kung ‘di maririnig
ang pinakahihintay na pag-awit ni Ginoo, Kataas-taasang Axel Pinpin,
na tulad ni Bong ay mahiyain din (sa mic) nguni’t ramdam namang naroon
ang nasang bumirit at magpadyak-paa.
Sa pangunguna, pangungulit na rin ni Ate Mari’t mga kasama,
isinalang ang isang Come Together ng The Beatles.
ayan na’t nag-umpisa ang pangunahing pagtatanghal.
At Rock and Rolling mood na ang sumaklot sa kapaligiran.
Jim Morisson singing Lennon-McCartney song ang pangunahing eksena.
“I know you, you know me…
One thing I can tell you is you got to be free!…
Come together right now over me,” ani Axel.
Nagsulputan ang mga kamera, may pumitsyur, nagbidyo.
Abangan nga raw ang pag-tag nito sa Facebook,
isa sa miminsang milagrong nagaganap sa bakuran
ng KM64.

Minsan munang lumiban sa usapin ng pagsalunga
ang nagtipun-tipong mga makata; sandaling ninanamnam
ang Diwa ng Pasko at paglilipat sa Taon ng Kuneho.
Nguni’t, ramdam kong hindi maihihiwalay sa kanilang nagsisiyang kaluluwa
ang paglilingkod, pag-oorganisa, pakikitalad;
kahit pa sabihing iyon ay gabing bawal ang tula’t pagtula, ang propaganda
ang aktibista. Ramdam kong hindi iyon ang sandali nilang
iniwan, wala silang iniwan; ang sa kanila’y pagdaragdag ng karanasan.
Ng panibagong yugto. Ang muling pakikihamok at pakikibaka.

Paisa-isang lumilisan ang kani-kaninang nagsasaya, masasayang mukha.
May trabaho pa kinabukasan, maaga ang ang biyahe papunta
sa kunsaan kaya’t kailangang umuwi nang maaga-aga; may ilang
may pupuntahan pang iba at may ilan ding natira
na siyang nagpakasawa sa biyaya
ng 800 pesos videoke na 71 ang pinakagalanteng
amazing score. At isa pa’y darating, hahabol si Roma
na nang lumaon ay nakipag-duetan na rin kay Stum.
Iyon ang puntong nilagom ng pagmamahalan ang madilim na langit.
Sabay silang umawit
ng Your Universe ni Rico Blanco.
At nai-LSS pa nga ako sa linyang:
“You can thank your stars all you want but
I’ll always be the lucky one”

Nagbilang ng ilan pang mga sandali, umukilkil na
ang lalim ng gabi. At oo, kailangan na nga’ng umuwi.
Bilang pagtatapos (sana’y nasulit ang upa sa videoke)
at due to insisted public demand
sama-samang isinara, sa saliw ng awiting Closing Time
ng Semisonic, at sa pangunguna ni Ginoo, Katas-taasang Axel Pinpin,
ang palatuntunan. Masaya kaming nagligpit ng iilang kalat na ikinalat
at pinaghainan si Muning ng kaniyang uumagahan.
Kami’y isa-isa nang tumugpa sa mga paroroonan.

Iyon ay isang gabing puno ng ngiti, na bagama’t may lamat ng pangungulila
ay pinunan ng masayang pagsasama-sama’t pagtitipon ng mga makata.

Bukas, gigising kaming patuloy at ganap na isinasabuhay
ang kredo:

Ang tulang Pilipino’y nararapat na ilaan, una sa lahat, sa sambayanang Pilipino. Hindi biro ang magiging kapakinabangan nito sa ating pagtitindig ng kasarinlan, kalayaan, katarungan, mabuting pamamahala, at tunay na demokrasya sa ating bansa.

Hindi ito kinalilimutan ng KM64, kailanman
anuman, or wherever they will go

*nalikha ilang minuto matapos ang KM64 Post Xmas Season Ceasefire, Disyembre 28, 2010, sa Kalye Art Gallery sa Estrada, Paco, Maynila.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: