Pananatili

10 Sep

-Mark Joseph Rafal

(Kay Alexander Martin Remollino, Makata ng Bayan)

kung isa ka nang hangin ngayon

ihip kang nagpapaalab ng mga sulo

ng pakikibaka’t pakikitalad

ihip kang nagpapaindak sa mga palay at tubo

ihip kang tumutuyo sa pawis

ng mga manggagawa’t magsasaka

kung isa ka nang hamog ngayon

nakayakap ka sa mga talahib at dahon

duon sa kabundukan at nagmamasid

sa mga kasamang namamahinga’t kasiping

ng gabi

butil ka ng hamog na kumikislap sa pagtama

ng liwanag ng buwan sa munti mong katawan

kung isa ka nang ulan ngayon

hinahaplos ng mga masisinsin mong patak

ang mga buhok at pisngi ng iniwang mga kasama’t kaibigan

nagpapaunawa na ika’y hindi nawawala

at nananatili sa puso at dugo ng masa

na iyong pinag-alayan ng buhay at musa

kung isa ka nang apoy ngayon

tinutupok mo ang mga tanikala

ng pananamantala’t inaabo ang inhustiya

sinusunog mo ang mga barong at saya

ng mga hunyango’t elitista

at lalagi kang tanglaw sa mga tahanang kaniig

ang isang pirasong kandila

at kung isa ka nang lupa ngayon

hayaan mong tumindig kami sa dibdib mo

at bigyan mo kami ng tuntungan

na ‘di matitibag ng mga medalya’t trono

hayaan mong magtanim kami sa dibdib mo

ng mga binhi ng ganap na paglaya

na aanihin namin, natin sa nalalapit na panahon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: