Padayon, Alex!

9 Sep

-Pia Montalban

Isa ka ng abo,

nakapiit sa sisidlang selyado.

Ngunit akin pa ding ipinagdadamot,

ang pagbitiw, at pagpapaabot…

nitong aking paalam.

Paano ba kasi tatanggaping

pumanaw ka na, kasama’t kaibigan?

Kung, hindi ko naman nararamdaman

na kami’y tuluyang nilisan.

Kung naririnig ko pa ang alingawngaw

ng huli mong pagalulong ng tugma’t berso

sa pagbigkas ng tulang humahagupit

sa mga kagalang-galang na tarantado.

Hanggang ngayon,

kahit isa ka ng abo

na nakapiit sa sisidlang selyado,

hindi pa din ako tutula

ng pamamaalam sa iyo.

Sa utak ko, naruruon ka lang sa malayo.

Handang kumalabit sa bawat isa sa amin,

sakaling pumurol na ang pluma’t panitik.

Handang idarang kaming muli sa liyab ng apoy,

sakaling manlamig ang aming mga tugmaan

sa pagibig nito sa bayan.

Handang kumutya’t magalit, sakaling

makalimutan naming ang sining

ay sa bayan magsilbi.

Sa utak ko, mananatili kang tagapanday

ng pluma ko’t panitik.

Babantayan ko na palagi ang aking ng at nang.

Pero kung magkakamali, maalala ko ang mata mong singkit

na nawawala kapag inilabas na ang ngiting bungingis.

Sasahurin ko ang bawat salita’t tugma,

isusulat ang mga nasala, kahit masala.

At hahasain ko ang bawat kataga at tugma,

gaya ng panitik mong mala-punyal sa gitna ng digma.

Oo, Alex, ang lahat ay babalik sa abo,

gaya mong isa na ngayong abo

na nakapiit sa sisidlang selyado.

Ngunit pinaging imortal ka ng iyong walang pagiimbing

pagkalimot sa sarili’t pagaalay ng buong buhay para sa iba.

Kaya mananatili kang buhay,

Mananatili kang nabubuhay

na sa aming pakikibaka’y nakatunghay

Modelo’t huwaran ang ‘yong pagaalay

kasa-kasama ka namin hanggang sa tagumpay!

Paalam?

Hindi paalam, Alex.

Padayon! Padayon, Alex!

—–

May hamon na ibinitin si Alex, sa ating mga harapan,

nasa sa atin pa din ang pagpapasya kung ito ay itatangan,

–ang KM64 mula’t mula ay yumakap na sa hamon na ito.

______________

Ilang araw bago isugod sa ospital si Alex, magkasama sila ni Pia Montalban para magturo sana ng Poetry sa UP Manila. Marahil isa rin ito sa mga huling FB message ni Alex.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: