Paano nga ba ako Magpapaalam sa Iyo?

9 Sep

-Adel Abaya

Sa alaala ni Alexander Martin Remollino–

Makata, peryodista at mabuting kaibigan

Inaalala ko ang huling pagkakataon na tayo ay nagkita at nagkausap. Augusto 24 nuon, katatapos lamang ng ikawalang bahagi ng oral argument ng Supreme Court sa isyu ng Hacienda Luisita. Sabay tayong lumabas sa gusali ng Supreme Court patungo sa mga grupo ng magsasaka na nagpipiket  sa may Padre Faura habang manakanaka ang pagpatak ng ulan.

Kimumusta kita. Sinabi mong ilang araw kang may nakaratay dahil sa lagnat, pero sa araw na iyon ay nakayanan mong tumayo at yun na nga at nakadalo pa sa oral argument. Tinapik kita at sinabi kong dapat ay nagpahinga ka nalang. Tinanong ko kung kelan lalabas ang iyong libro at nagkumento na dapat ilabas na ito kaagad. Ngumiti ka lang at tumango. At ininterpret ko naman ito na ang ibig sabihin ay malapit na.

Nagpaalam ka sa akin, at kinamayan mo ako. Sabi ko sa iyo na magpagaling ka at marahan kong hinawakan ang braso mo tila isang bunsong kapatid na kumapit sa kanyang kuya. Nangako rin ako na uulitin natin ang pagpunta sa Binondo kasama ang ating mga kaibigan sa Kilometer 64 para ituloy ang naunsyaming birthday celebration ko.Simula kasi nuong nakilala kita nuong 2007, walang palya ang iyong pagbati sa akin tuwing aking kaarawan. Binigay mo sa akin ang iyong trademark na ngiti—yung bungisngis na ngiti na nawawala ang mga mata.

Hindi ko alam na yun na pala ang huli nating pagkikita.

Taong 2007 nuong una ko kayong makilala nina Rustum at ang grupo ng Kilometer 64. Hindi talaga ako makata. Hindi ako kalian man nagsulat o nagbasa ng tula para sa event natin sa Kilometer 64. Subalit binuksan niyo pa rin nina Rustum at Noel ang pintuan ng Kilometer 64 para sa isang tulad ko na hindi naman talaga sumusulat o bumibigkas ng mga tula subali’t may natatanging hilig sa pakikinig ng mga tula. At bago pa man kita nakilala ay alam kong isang prolific na manunulat at makata, subalit kalian man ay hindi kita kinakitaan ng ere ng kayabangan.

Marami akong hiningi sa iyong pabor: mga press release at statements nahiling kong iyong i-edit, mga artikulo sa tungkol sa kung anu anong mga topic, mga compilation ng mga makabayang tula. Nuong  minsan pa nga ay binigyan mo ako ng draft na manuskrito ng aklat tungkol ka Ka Bel. Nitong nakaraan, ay tinulungan mo pa ako na makakuha ng mensahe mula sa Bayan at kay JMS para sa kaarawan ng isang lider sa Tarlac.  .

Lagi kitang tinutukso kay Mau. Siguro, ako na ang pinaka-vocal na fan ng inyong “loveteam.” Bagama’t minsan nga ay na-ikwento na sa akin na may “pending” na naka-programa sa iyo, na malamang ay tatanggapin mo kapag natuloy. Siguro ay hindi lang kayang i-proseso ng makitid kong isip ang special niyong pagkakaibigan ni Mau. Ganun pa man, nuong nakaraaang taon na binati mo ako sa aking kaarawan, ibinalita mo rin sa akin ang iyong nalalapit na pag-alis papuntang US. Nagpahabol ka pa nga isang text na magkikita kayo ni Becca, ang iyong karelasyon.

Natawa ako nuon sa text mong iyon. Dahil na “gets”  ko ang ibig mong sabihin. Marahil yun ang gentle reminder mo sa akin na tantanan ko na panunkso sa inyo ni Mau.

Kagabi, iginawad sa iyo ng Kilometer 64 ang pinakamataas na pagpupugay at pagkilala mula sa mga sirkulo ng makata, ang MAKATA NG BAYAN. Marahil kung buhay kagabi habang iginagawad ito sa iyo ay iiling-iling ka lang at nakangiti dahil magka-lebel na kayo ng paboritong makata na si Gelacio Guillermo.

Pagkatapos ng parangal ay kumain kami sa isang restaurant na malapit kung saan ka nakaburol. Nakuha pa naming magbiro at maglaan isang upuan para sa iyo. Naka-bungisngis rin kami habang pinakukwentuhan ka namin pero tiyak kong sa kabila nito ay mabigat ang aming loob.

Paano nga ba kami magpapaalam sa iyo? May utang pa ako sa iyong libre sa Binondo. Aabangan pa namin ang tula mo tungkol sa napipintong resolusyon ng Supreme Court sa isyu ng Hacienda Luisita. Maraming statement pa ng BAYAN ang aming aabangan mula sa iyo.

Sa tuwing naiisip ko na hindi na kita makakasalubong tuwing SONA o makikitang tumutula sa event ng KM64 o ng Arrest ay nalulungkot ako. Sa tuwing naiisip kong hindi ko na maririnig ang iyong matapang na boses na may punto tulad ng iba pang anak ng Laguna ay natutulala ako.

Salamat sa maiksi ngunit makabuluhang tatlong taon ng pagkakaibigan. Salamat sa lahat. Ipininagmamalaki kong ikaw ay naging kasama/kaibigan sa Kilometer 64. Maaga mang nahinto ang iyong buhay ay mananatiling naman buhay ang iyong panulaan. Inspirasyon ang pinakita mong sa iyong dedikasyon sa iyong mga likha sa mga marami pang makata at manunulat ng ating panahon.

Kailan man ay hindi kita malilimot.

Isang Tugon to “Paano nga ba ako Magpapaalam sa Iyo?”

  1. jerick Setyembre 11, 2010 Sa 4:27 hapon #

    Mapanirang Kaibigan
    Kaibigan kita’t katuwaang lubos
    noong mga araw na ako ay kapos
    maging noong araw na ako’y hikahos
    gayundin nung araw na mayro’ng katuos

    nakasama kitang walang pag ayaw
    sa luha’t ligaya’y ikaw ang karamay
    ang panghihinayang ay hindi sumungaw
    sa iyong mukha’t ni sa balintataw

    hindi kahindikang isinasalansang
    ang pagkabigla sa kapangahasan
    na iyong inukit sa mga talastasan
    na ikinahulog ko’t ikinapintasan

    sa anong dahila’t ikina walang saysay
    ang nangakaraang magandang samahan
    na nagkamithiang makipag tagalan
    ng pagkaka’bigang tapat at dalisay

    mga paninira’y iyong ikinalat
    sa mga pahayaga’t mga lansangan
    sa mga paarala’t mga talastasan
    na pawang kaliluha’t gawa gawa lang

    sa pagbabagong bigla’t di katiyakang
    pagkakabunot ng naging samahan
    buhat sa pangakong di na nababak’san
    ng pagkakahulma sa pagkaka’bigan……….

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: