Bukas Na Liham Ni Alexander Martin C. Remollino

4 Sep

Ni Kislap Alitaptap

04 Setyembre 2010

Sa inyong mga nagkumot sa akin

Ng aruga at naglatag ng banig

Ng pagmamahal,

‘Wag ninyo akong pabaunan ng luha…

Bagkus, ang pag-aaruga’y ikumot

Ninyo sa kanilang mga hindi nagdamot

Na magbahagi ng kani-kanilang

Kasuotan sa mga nilalamig

Ng walang kasiguruhan.

Ang pagmamahal ay ilatag ninyo

Sa mga likod na binubugbog ng ligalig,

Sinasakmal ng takot at dinadagukan

Ng paghahanap.

Sa inyong mga nakasabay kong magpasya

Kung saan muling hahakbang sa

Mga sangandaan ng pakikipagbuno

Sa anino ng alinlangan,

‘Wag ninyo akong pabaunan ng luha…

Bagkus, pagapangin ninyo sa

Inyong maninipis at kinulayang

Mga kuko sa paa ang mala-impiyernong

Hininga ng aspalto, hanggang sa inyong

Masumpungan ang dalisay na tubig

Ng bukal, sa tarangkahan ng

Magkakaakbay na kabundukan.

At sa inyong mga dakilang tinta

Sa aking panulat,

Kayong mga punong kanlungan

Ng mga Alitaptap,

Kayong mga gintong nakasanib

Sa buhanginan ng magigiting

Na mga ilog ng kabutihan,

‘Wag ninyo akong pabaunan ng luha…

Bagkus, ipagtanim ninyo ako ng

Mga puno ng sampagita,

Na magsasaboy ng halimuyak

Ng pag-asa sa lahat ng

Paghingang inililibing

Ng kasalatan sa buhay.

‘Wag ninyo akong pabaunan ng luha…

Dahil ako’y hindi lumisan at nawala,

Gaya ng magaan at manipis na bula. #



Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: