Tuition Fee Hike v.s. Magna Carta of Students

7 Apr

-Rey Tamayo, Jr.

Sa kasalukuyang takbo ng pangyayari sa ating bansa, tila baga walang katapusan ang problemang dumarating kay Juan dela Cruz.

Hindi na mapigil ang patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo sa merkado, ang resulta, tumaas ang singil ng pamasahe sa mga pampublikong jeepney at bus.

Maging ang kakapusan ng supply sa bigas ay ramdam pa rin ng mga Pilipino lalo na ang mga maralitang taga lungsod. Sa sobrang taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ang ilan sa ating mga kababayan ay nagtitiis sa mahabang pila upang makabili lamang ng dalawang kilong NFA rice. Na ang ilang toneladang sako ng bigas na inangkat ng gobyerno ay buhat pa sa Estados Unidos na ayon sa ilang eksperto ay (GMO) o Genetically Modified Rice na makasasama sa ating kalusugan.

Sa pagbubukas ng klase ngayong taon, panibagong krisis na naman ang kinakaharap ng ating mga kababayan. Pabigat din sa mga magulang at estudyante ang pagtaas na matrikula sa mga pribado at pampublikong eskuwelahan sa bansa.

Mariing tinutulan ng League of Filipino Students (LFS) ang biglang pagtaas ng matrikula sa bansa ngayong taon. Anila, mawawalan ng saysay ang diumano’y ‘gimik’ na moratorium ng Malacañang sa tuition fee hike sa mga State Universities and Colleges o SUCs kung hindi marerefund ang dagdag na singil sa mga nagsipagbayad nang mga mag-aaral. Nanawagan din ang grupo sa agarang pagpapatupad ng rollback sa matrikula lalo na’t lumulobo ang antas ng kahirapan at mga krisis na nararanasan sa bansa.

Iginiit naman kamakailan ni Quirino Rep. Junie Cua, senior vice chairman ng House committee on appropriations, na walang dahilan upang magtaas ng matrikula ang mga SUCs sa dahilang halos P21 bilyong pondo ang ipinagkaloob ng pamahalaan sa State Universities and Colleges para sa taong ito.

Kung taun-taon na lamang ay may nangyayaring tuition fee hike sa mga estudyante, panahon na siguro upang maisabatas ang Magna Carta of Students.

Matatandaang naging priority bill ang House Bill No. 9935 o mas lalong kilala sa tawag na Magna Carta of Students noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos ngunit hindi naisabatas dahil sa ilang mga probisyon.

Ang Magna Carta of Students ay muling binuhay noong 13th Congress at sa bagong bersyon ng panukalang batas na iniakda ni Rep. Edcel Lagman (House Bill No. 17), nakasaad sa chapter 4 section 16 ng nasabing house bill na may karapatang makialaman ang mga estudyante hinggil sa pagbabago ng tuition at ibang school fees sa mga colleges at universities sa pamamagitan ng School Fee Board.

Sa ganitong paraan, hindi maaring magtaas ng tuition fee ang mga eskuwelahan ng hindi nalalaman ng School Fee Board mula sa mga mag-aaral. At isa itong alternatibo at mabisang paraan upang mapigilan ang anumang pagtatangka sa pagtataas ng matrikula.

Magugunitang noong 8th Congress pa unang isinusulong sa Kamara ang Magna Carta of Students ngunit ibinasura ito ng mga kongresista. Muling binuhay ito noong 9th, 10th, 11th at 12th Congress ngunit hindi pa rin makalusot ang nasabing panukalang batas. At sa kasalukuyan nakabinbin pa rin sa Committee on Higher and Technical Education ang pinakahuling bersyon ng Magna Carta para sa mga mag-aaral.

Sa ipinalabas na ulat ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2002-2003 academic year, mayroong 1,470 Higher Education Institutions kung saan 1,297 ang nasa private sectors. Samantala 111 naman ang nasa public state universities and colleges, 44 local SUCs, 5 special higher education para sa military science and national defense, 12 government school at 1 CHED-supervised post-secondary education institution.

Sayang ang mga pamantasan at unibersidad na ito kung walang mga estudyanteng papasok dahil sa hindi nila kayang matustusan ang kanilang pag-aaral.

Hinggil naman sa kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, lubhang napakalayo ng agwat natin kumpara sa ibang bansa. Sa pinakahuling survey noong nakalipas na taon ng Times Higher Education Supplement (THES), isang pahayagan na nakabase sa London at ng Quacquarelli Symonds (QS), isang international education and career development group; ang University of the Philippines(UP) ay nasa 299th spot, sinundan ng De La Salle University (DLSU)na nasa 392th spot, pangatlo ang Ateneo de Manila University (ADMU) na pang 484th spot at University of Santo Tomas (UST) na nasa pang 500th spot. Samantalata, nananatiling nasa 1st spot ang Havard University sa Estados Unidos.

Ang kailangan ng ating mga mag-aaral ay murang matrikula na may dekalidad na edukasyon tulad ng Estados Unidos at Europa at ang karapatang makisangkot sa lipunan bilang isang responsableng mamamayan.

Alam nating kayang ibigay ng gobyerno ang pangunahing pangangailangan para sa mga estudyante, ngunit kailan nila ito makakamtam?

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: