Sorpresa

26 Dec

-Axel Pinpin*

Sumalipsip ang lamig ng Disyembre sa tarangkang bakal
saka inihinga ng mga batang sabik sa barya
ang mga awiting amoy-bibingkang alsa.
Binuo namin ang imahe ng Krismas Tri
sa nguso ng Armalayt ng mga gwardyang
tila si Santa Klaws sa bundat nilang tiyan;
lamang ay hindi Ho-Ho-Ho kundi ngiting mapang-uyam
ang umaakay sa aming mga bisita’t dalaw.
Walang puwang ang sorpresa sa kabila ng rehas.
Ang sana’y tahip ng dibdib bago buksan ang pasalubong
ay sikdo ng ngitngit sa pag-abot
ng binutbot na sinukmani,
dinutdot na pansit,
at dinuldol na makaroni salad.
Ang sana’y pigil-hiningang pagbubukas ng regalo
ay buntong-hininga sa laman ng liham
na pinagtawanan na muna ng mga bantay;
nagsasabing: “Daddy, hindi kami makakapariyan, wala kaming pamasahe.”

*Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristides Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at militar noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at ngayo’y mahigit sa isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: