PAGHAHANDA

25 Sep

Axel Pinpin

Markhan sa mga kalendaryo,
ilagaysa reminder ng telepono,
ikarga sa task ng PDA;
ang walang mga ito–
magbilang nang paatras sa mga daliri.

Tandaan: Mula Hulyo a-kinse
taong dos mil siyete,
buburahin sa lupa ang terorismo!

Kaya’t ang lahat ay maghanda.
Huwag maglakad nang nag-iisa.
Umuwi nang maaga.
Magdala ng anumang pagkakakilanlan.
Magpagupit at mag-ahit.
Magpamanicure at pedicure.
Magpafoot spa at derma.
Ang walang kakayahang gawin ang mga ito–
magsapaniki at gawing araw ang gabi.
Tandaan: Mule Hulyo a kinse
taong dos mil siyete,
lilipulin ang mga kaaway ng batas!

Kaya’t ang lahat ay maghanda.
Iwasang magdalang anumang sumasabog;
granada, atis, abokado,kamote, c4, c2, Gatorade.
Iwasang magdalang anumang pumuputok.
Armalite, M-14, MP-5, mp4,mp3, WMA.
Iwasang magdala ng anumang sumasambulat;
bomba, Bulgar, Toro, Abante, Inquirer.
Ang sadyang hindi gumagamit ng mga ito–
ni huwag magbibiro, ni huwag iimik.
Tandaan: Mula Hulyo a-kinse
taong dos mil siyete,
didisarmahan ang mga bandido!

Kaya’t ang lahat ay maghanda.
Iwasang maging kahina-hinala
dahil ipagbabawal ang paghihinala!
Iwasang maging kaduda duda
dahil ipagbabawal ang pagdududa!
Iwasang maging mareklamo
dahil ipagbabawal ang pagrereklamo!
Ang sadyang makakati ang dila–
basahin ang aking tula
Tandaan: Mula Hulyo a-kinse
taong dos mil siyete,
bibiguin natin ang Batas Kontra Terorismo!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: