AY NAKU, MUNTIK NA AKONG MAKALIMOT, KASAMANG MARIE AT RUTH-

24 Sep

 ni E. SAN JUAN, Jr.

Habang humihigop ng di-kuno’y malahimalang tubig na bukal sa kanlungan ng Birhen sa Ephesus, pansamantalang natigil kami sa paglalakbay sa Turkiya, nakaligtaan kong kilatisin ang bigat ng pagsusumamo ni Lorena Santos na ilitaw ng rehimeng Arroyo ang kanyang amang dinukot ng ISAFP, si Leo Velasco….

Habang pinanonood ang mga nagsasayaw na dervish sa Konya, pananampalatayang ipinagbawal ni Kema Ataturk upang maisulong ang makabagong bansa, sumingit  ang palaisipan ni Rumi- “Kung ikaw ay kasama ng lahat liban sa akin, wala kang kasama; Kung ikaw ay walang kasama kundi ako lamang, kasama no na ang lahat…”

Walang bisa, patuloy ang pagkawala nina Jonas Burgos, Sherlyn Cadapan, Karen Empeno-
paano ito, Rumi, kahit narito ka, sapilitang pinagwawala pa rin sila?

Nakababad sa alingasngas sa TV sa isang otel sa Izmir tungkol sa halikan nina Richard Gere at isang aktres taga-Indya (kamukha ba ni Rufa?), o sa orgies nina Paris Hilton at Britney Spears, halos nawaglit na sa isip ang pagpaslang kina Diosdado Fortuna, Sotero Llamas, Lizelda Estorba-Cunado, at ilan daang biktima ng terorismo nina Bush-Arroyo….

Ay naku, muntik ko nang malimot sina Alice Claver, Juvy Magsino at Leima Fortuna dahil pinagkakaguluhan ng petiburgis sa Ankara ang Harry Potter & the Deathly Hallows at mga huling pakulo ni O.J. Simpson sa If I Did It…. Maramdamin ba o tiyak na karamdaman?

At sa Antalya naman, kasiping sina Britney Spears at Catherine Zeta-Jones at dyugyugan ng mga belly-dancer kaindayog ng makiring alon ng dagat Mediteranyo,  tuluyang napalis sa isip ang sakrispisyo nina Cathy Alcantara, Audie Lucro at ilan pang susunod–mga bangkay na walang pangalan kundi sa pagsisikap ng KARAPATAN….

At sa lilim ng moskeng asul sa Istanbul, malayo na sa mga mosaic ng mga santo’t anghel sa kubling yungib sa Cappadocia, sinubok kong baguhin ang bugtong ni Rumi: Kung kasama mo si Mario Auxilio o si Eden Marcellana, wala nang iba pa, kasama mo na sa tabi mo ang sambayanang humahatol at dumudurog sa pasistang Estado…

Kahit na isang taong pinagmalupitan, tulad ni Lourdes Rubrico, kahit nagayuma ka ng ngiting malagkit ng dalawang Medusa sa haliging marmol ng cistern ng Hagia Sophia,  lagi kang gagambalain ng gunitang umaantak, tigib ng hirap at pighating tiniis at titiisin-lagi kang pupukawin ng mga inulila saan ka man maglagalag, sa guhong imperyo ng Romano o ng Ottoman, ng Britanya o Pransiya-Ozymandias, igala mo ang paningin-

o saanmang sulok ng imperyo ng kapital ng USA, tutugisin ka ng mga ahas na buhok ng diwatang umaapaw sa biyaya ng kalikasang walang pag-iimbot at kasakiman, walang pagmamalabis, armadong diwata ng katarungan at ng bayang naghihimaksik…

2 Tugon to “AY NAKU, MUNTIK NA AKONG MAKALIMOT, KASAMANG MARIE AT RUTH-”

  1. Fhen Oktubre 21, 2007 Sa 2:24 hapon #

    Progresibo, makabayan at kritikal na makata si ESJ, walang duda. Muling napatunayan na naman ito sa tulang, “Ay Naku, Muntik na Akong Makalimot, Kasamang Marie at Ruth.” Litaw na litaw rito ang kilusang “Bagong Kritisismo” na siyang porma/taktika niya upang “masapol ang katotohanang taliwas sa kabuluktutang naghahari.”

    Sa ating panahong tumitindi at lumalakas ang ugong ng pasismo/terorismo ng estado, nararapat na hindi ibaon sa limot ang mga napaslang — at nakaranas ng iba’t-ibang uri ng represyong politikal — na mga progresibo at ordinaryong mamamayang Pilipino na mariing biktima ng karahasan, manapa’y ipatuloy ang kanilang nasimulan… At hindi nililimot ng sambayanang nakikibaka ang mga nagawa nila — mga martir na bayan — para sa pagsusulong ng tunay na demokrasya!

    Sa aking palagay, isa na naman itong personal na testimonya ni ESJ (“Muhon sa mahabang paglalakbay” sa mga salita ni Bienvenido Lumbera) sa kanyang buhay, hinggil sa kasalukuyang nagaganap sa bayang Pilipinas ukol sa mga makabayang indibiduwal, sampu ng organisasyong kinabibilangan nila, kahit lulan siya sa isang diyaspora sa ibang dayong lupain.

    Tunay nga ang sambit nito, “Saan ka man naroroon, katoto, di ako magpapaalam ngayon sapagkat may rendez-ous pa rin tayong napagkayarian at maraming sekreto pa ang ating ilalantad, maraming pagbabalatkayo pa ang huhubarin…”

  2. makoy Nobyembre 8, 2007 Sa 11:13 hapon #

    ewan lang kung matutuwa si e.san juan pag malamang “new criticism” ang mga tula nya.. avant garde siguro pwde pa..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: