SI NANAY TOMASA

12 Feb

Si Nanay Tomasa

Tula ni Mark Angeles
 
Dalawang palapag ang lawak ng kanyang daigdig.
Lumalabas lang siya ng bahay kung mao-ospital.
Siya ang pinakamatandang kapatid ng aking lola.
Hindi siya pinag-aral. Hindi na rin nakapag-asawa.
Binubulag ng katarata ang kanyang nag-iisang mata.
 
Kapag naiiwan kaming dalawa sa sala,
monosilabiko, sa puntong mulang Pangasinan,
tinatawag niya lagi ang aking pangalan.
Hawak niya ang magkahiwalay na sinulid at karayom.
Nakasalansan ang tela sa kanyang kandungan.
 
Makikita mo ang pagsisikap sa nanginginig niyang kamay.
Sa pag-akyat-manaog sa hagdan para isampay
ang ilang pirasong damit na sinikap niyang labhan.
Masaya na siya kapag nag-uuwi ako ng mami o lugaw
kaya nagsisikap akong mag-uwi kahit na tinapay.
 
Nag-iinit ako kapag pirmi siyang sinisigawan.
Mahina na raw kasi ang pandinig niya at pang-unawa.
Minsan sinabi ko ito sa kanya at, nangangalumata,
sinabi niyang nakaririnig na siya ng mga hugong
kaya ayos lang, ayos lang na siya ay kagalitan.
 
Madalas kong maisip na darating ang araw
mahihimbing siya nang habambuhay.
Kailangan naroon ako sa kanyang tabi.
Alam kong tatawagin niya ako tulad ng dati.
Ipahihiram ko sa kanya ang aking katiwasayan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: