MGA DAGA SA DIBDIB (NI GMA)

7 Mar

Mga Daga sa Dibdib (ni GMA)
Kristoffer Berse, 030706

Mag-aanim na taon ka nang
Hindi mapalagay: Ligalig ang hatid
Ng aming mumunting mga yabag
Sa dibdib ng iyong malay.
Nginangatngat ka ng takot
Na anumang oras, maaari naming
Tangayin palabas ng Palasyo
Ang iyong mga pangarap.

Salot ang iyong turing
Sa kagaya naming maliliit
Dahil malaya kaming nakakapaglabas-
Pasok sa butas ng mga batas
Na pinagkukublihan ng iyong mga balak.
Kinatatakutan mong sa dilim
Mahuhuli namin ang kaluskos
Ng iyong mga luho at lihim.

Kaya hindi na namin ikinabigla
Nang magpasya kang lasunin
Pang lalo ang aming mga bituka:
E-VAT sa bawat kakarampot
Na latak, mumo at siming naaabot
Ng aming nguso at palad.
At upang kami ay tuluyang
Manghina’t panghinaan ng loob,

Naglatag ka ng bitag
Upang masilo ang aming lakas
At tapang: “Sedisyon sa sinumang
Pangahas na maglalayong halughugin
Ang baho ng Malakanyang!”
Kagyat mong ipinagbawal
Sa EDSA, Ayala at Mendiola
Maging ang aming mga anino

At binansagan kaming “kalaban
Ng estado.” Iniisip mo marahil
Na sa harap ng mga pusang nakatubog
Sa tingga ang pangil at kuko,
Magpupulasan kami ng takbo
Palayo sa alingasaw ng Palasyo;
Ngunit hindi nababahag
Ang aming buntot, at bagama’t

Hindi namin nasang maghasik
Ng rimarim sa lababo ng lungsod,
Huwag mong asahang kami
Ay magmumukmok na lamang
Sa aming mga lungga,
Gayong nagkalat ang mga butil
Ng poot, ganid at dahas
Sa paminggalan ng iyong pamamahala.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: