SA MGA TAGA UST SA E-GROUP

5 Feb

Alexander Martin Remollino

Lubhang maaga pa marahil para mapaghulo kung paano titingnan ng mga susunod na susulat ng kasaysayan ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) — kung saan ako nagkolehiyo — ang bagay na itong natuklasan ko may ilang araw pa lamang ang nakalilipas. Ilan sa mga prominenteng kalaban ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang taga-UST.

Nagkaroon ng higit na dating sa akin ang mga balita tungkol kay Kap. Candelaria Rivas, ang kasapi ng Judge Advocate General’s Office (JAGO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kasama ng lider ng Magdalo na si Kap. Nicanor Faeldon nang madakip ng mga awtoridad kamakailan, nang mabasa ko sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer na siya pala’y sa UST nagtapos ng Komersiyo at Abugasya. Taong 2002 siya nagtapos ng Abugasya kaya’t marahil ay nakaklase rin niya ang ilan sa mga kaklase ko sa Legal Management noong 1996-1998, halimbawa’y ang bar topnotcher ng 2002 na si Arlene Maneja.

Dito’y nagunita kong isa ring abugadang nagtapos sa UST, si Harriet Demetriou, ang aktibo sa kampanyang pagpapatalsik kay Gloria bilang isa sa mga convenor ng Women’s Movement for Arroyo’s Removal and Regime Change (WOMEN March).

Noon namang nakaraang linggo, habang sinasaliksik sa website ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kanilang pinakabagong pastoral letter, sinamantala ko rin ang pagkakataon upang basahin doon ang mga bio-data ng ilan sa lalong kilalang mga obispo at arsobispo.

Doon ko nalamang dalawa sa mga obispong nanawagan ng pagbibitiw ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay taga-UST rin pala. Si Arsobispo Oscar Cruz ng Lingayen, na napabantog din dahil sa kanyang mga expose laban sa jueteng, ay sa UST nag-aral mula haiskul, at doon na rin natapos ng pag-aaral sa seminaryo. Samantala, si Obispo Deogracias Iñiguez ng Caloocan ay kumuha ng BSE sa UST ilang taon makaraang magtapos ng pag-aaral sa ibang seminaryo.

Ngayon, iba’t iba ang porma ng kampanya sa pagpapatalsik kay Gloria. Isa sa mga ito ang paglalabas ng mga koleksiyon ng mga tulang laban sa kasalukuyang administrasyon. Dalawa na ang nailabas na ganitong antolohiya: ang Oust Gloria ng Kilometer 64 at ang Truth and Consequence ng Publikasyong Iglap.

Isa sa mga nag-ambag ng tula sa ating Oust Gloria si Dr. Bienvenido Lumbera, na sa UST nagtapos ng kanyang Bachelor of Literature. Ang tula niyang kasama sa koleksiyong ito ay iniambag din niya sa Truth and Consequence. Samantala, si Fidel Rillo naman, ang may-akda ng naging pangwakas na tula sa Truth and Consequence, ay sa UST nagkolehiyo bagama’t hindi kinumpleto ang kurso.

Paano nga kaya titingnan ng mga susunod na susulat ng kasaysayan ng UST ang bagay na ito? Aywan ko, ngunit tiyak na nakasalalay ito sa kalalabasan ng kasalukuyang mga pangyayari.

Isang Tugon to “SA MGA TAGA UST SA E-GROUP”

  1. JeancyFanna Disyembre 12, 2009 Sa 1:03 umaga #

    Stunning, I did not know about this topic till now. Thx!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: