50 Sipi sa Tula

11 Apr

Tugon ni Aris Remollino (Kasapi ng KM64 at Kataga-QC) sa isang tanong ni John Toledo (kandidatong kasapi ng Kataga-QC) na pantapat sa Filipino sa listahang ito: http://www.buzzfeed.com/sarahgalo/measuring-my-life-with-coffee-spoons#.lj6WbyQ1N


01.

“at dapat mong malaman
na kapag dumating ang mga tagaibang planeta,
magdadaan sila sa ibabaw ng aking bangkay
bago ka nila maagaw.”
-Jose F. Lacaba; Liham ng Ama sa Anak-

02.

“Kumakalam na lamesa ang binahang kalsada
at ang buwan,
ang buwa’y bingaw na pinggan
nang dakutin ng paslit–”
-Romulo A. Sandoval; Araw-Araw, Nagpipiyesta ang mga Langaw-

03.

“Dagat ang iyong mga mata.
O, kay rikit malunod
Sa alindog
Ng iyong mga mata.”
-Reuel Molina Aguila; Magdaragat ng Pag-ibig-

04.

“Di na tayo umiibig tulad noon,
Dibdib nati’y walang init ng bituin
Pagkat puso’y mga plastik at de-motor.”
-Rio Alma; Di na Tayo Umiibig Tulad Noon-

05.

“Patungong Recto at Mendiola,
Bugbog ang hangin sa mga kamao.
Mga pader ang pisara,
Ng mga talumpati at kuwento.
Nakatungo ang mga pamantasan
Sa mga leksyon sa kanto.
Sa mga martsa sa lansangan,
Walang mukha ang henyo.”
-Kerima Lorena Tariman; Serye ng Sobresaliente-

06.

“Ngayon, dito
Damo’t paligid tuwina’y nagpapalit-kulay
Nalusaw na ang mga pasilyo
Hindi na bahaw ang sigaw
Hindi na naglilibing ng mga anino.”
-Lucia Makabayan; Banyuhay-

07.

“Duguan ang aking tinig
sapagkat sugatan ang mga aninong
dumadalaw sa gunita:
anino ng mga Maria Lorena,
anino ng mga Emmanuel,
anino ng mga Valerio,
anino ng mga manlalakbay
na hinatinggabi.”
-Jesus Manuel Santiago; Nais Kong Likumin ang mga Alabok-

08.

“Buhol-buhol na ang mga hinabing
puting kawad at kalsada.
Sa hamog ng sapot
ay wala nang makikita,
tila pagtahak sa masukal na gubat
o di kaya’y pagsisid sa tubig na maalat.
Ano pa kayang larawan ang kaniyang nilalambat?”
-Daniw Quindoza Santiago; Agiw-

09.

“Ang mga lansanga’y tinatanuran ng nanghuhuling titig.
Ang iling at buntunghininga’y mga damdaming
Nanganganib na madakip. Ang diwang nagpupumiglas
Ay dagling kinukupkop, tila isang ibon, sa dalawang palad.”
-Kris Montañez/Gelacio Guillermo; 1081-

10.

“Pinutol nila ang iyong
hininga
upang madugtungan ang sa kanila
Pinaikli nila ang iyong buhay
upang maging
magpakailanman ang sa kanila
Mahalaga ka
sa kanila
dahil ika’y namatay
Mahalaga ka
sa amin
dahil ika’y nabuhay.”
-Bomen Guillermo; 2000-

11.

“Kaladong lumot
ang aking bungo,
gaya kahapong
nabalam itong kaluluwa
walang mainom na dugo.”
-Mike L. Bigornia; Personal-

12.

“Basang pandong ang itim na hangin,
Pinabibigat ng alat at sangsang
Na hindi matangay ng ulang nagpapahulas sa asin.
Lumalambong ito sa mga bulagtang anino
Ng matatarik na poste’t balkonaheng
Dinadalaw ngayon ng mga paruparo.”
-Fidel Rillo; Pagkaraan-

13.

“sa mga araw,
tulad ng ngayon,
na nag-aanyaya
ang antok
nang mas maaga
kaysa iniiwasan,
ang kipkip
kong alaala
ang aking pampagising.”
-Jimmy A. Domingo; 24 Oras

14.

“At muli,
ikulong mo sa iyong gunita ang
aking pangako,
Anuman ang aking sapitin,
uuwi pa rin ako sa iyong piling
Kahit bilang hangin.”
-Rustum Casia; Amihan-

15.

“Sa mundong itong parating may dilim kahit araw,
kislap mo’y liwanag ng sanlibong katanghalian.
Kaya’t di magluluwal ng kapiraso mang kapagalan
ang anumang paglalakbay na ikaw ang dahilan–
sampu man nitong daigdig ang kailangang lakbayin.”
-Alexander Martin Remollino; Hiyas na Higit pa sa Brilyante-

16.

“Sa mga gabing di makatulog,
iniisip ko ang mga kaklaseng,
siguro,
siguro isinilid sa drum at pagkatapos sinimentuhan;
ang mga kakilalang ang mga mukha ay pinasabog
ng pasistang mga bigwas, bala at putok;
ang mga kapwa makata at mamamahayag
na pinaslang at ikinulong
dahil,
dahil nais nilang gupitin ang dila ng apoy.”
-Richard R. Gappi; Sa mga Gabing di Makatulog-

17.

“Araw-araw
sinusubok naming mag-asawa ang talim
ng aming balaraw
Halimbawa
kung umiiyak ang bunsong anak
at hindi kumikilos ang sintang mahal
sasaksakin ko siya sa likod
at patawang pagmamasdan
habang duguang
pasususuhin niya
ang bunso”
-Cirilo F. Bautista; Patalim-

18.

“Sa pagnanasa ko sa iyo
wari ko
tunog lamang
na sakal-sakal ng hangin.
Hindi nakikilala
ng titik
nabubuo ako
sa sulak ng dugo
sa puno ng dila.”
-Benilda S. Santos; Awit ng Umid na Mangingibig-

19.

“Nagbibihis tayo ng bagong kabataan
tuwinang may hinuhubdang bagong kabanata
wala man itong ipinapangakong katiyakan.
Lagi’t lagi tayong nagpapatuloy at nagsisiwalat
sakaling may masalubong sa panahon
ng pagpapaanod at pagpapalipad,
na ang mga ito: Bangkang papel, eroplano,
saranggola,
ay mananatili, sa wika nga ng isang makata, na
simbigat ng katotohanan,
singgaan ng pangarap at kalawakan
anuman ang mangyari, anuman ang mangyari.”
-Mesandel Virtusio Arguelles; [Hindi ko maalala ang pamagat haha]-

20.

“Hininga ko wari’y nalulunod na
sa nagtatampisaw na kahungkagan,
at sakal ng bikig ang lalamunan.
Samantala, humihiyaw ang puso
gaya ng paos na kampana sa malayo,
gaya ng kulog na tila mga batong
nagpapatianod sa aking dugo.”
-Manolito C. Sulit; Kahapon-

21.

“Hinahanap niya ang sarili
sa kanyang panulat
at natigagal nang malamang
siya’y lukot na papel,
nakataob na bangka,
baradong kanal,
said na pluma,
mantsa sa mata.”
-Michael Francis C. Andrada; Manunulat-

22.

“Kailangan pa bang ungkatin?
Lumuluha tayo pero hindi na gaano sa pagkawala ng kadugo.
Sanay na tayo sa ganito. Mas nakakaiyak ang kawalang
kanya-kanya nating ibubuno sa ating paghihiwa-hiwalay.
Mabuti na lamang at hindi nakakahiyang umiyak.
Mangilid man o tuluyang umagos ang ating luha
dahil sa santambak na gastusin, sinong makakahalata
sa tunay na bukal ng ating pagluluksa?
May patay tayong iniiyakan.”
-Emmanuel V. Dumlao; May Patay Tayong Iniiyakan-

23.

“Ipinatong mo sa lamesa ang isang warak-
warak na backpack. Kailangan kong iwan
ang akin para sa mga kasama,
iyong pangangatwiran. Binuksan
mo ito’t inihain ang sukbit na kuwentong
pasan-pasan sa kung ilang lalawigan–
nakatuping liham,
dahon ng pako,
bunga ng pino,
isang kalansay ng balang
alaala.”
-Mayo Uno Martin; Mga Tagpuan sa Gulod-

24.

“Singlalim ng sisid ang bawat
buntonghiningang pinigil sa iglap.
Walanghinga akong nakibulusok
habang nababanat ang mga lubid
ng lantsang balisang tumulak
at humiwa ng mga alon. Isa-
isang lumutang ang mga mukhang
binilugan ng alun-alon, tulad
ng mga sensilyo. Anong gaan
ng kanilang masiglang pag-ahon.
Waring may pilak ang bawat palad.”
-Allan C. Poppa; Sa Daungan (Tabaco, Albay)-

25.

“Libu-libong bagwis
Ng akasya ang sumisid
Upang langkay-langkay
Na maagnas lamang
Sa kaniyang sinapupunan.
Nalibing sa kaniyang putik
Ang gilas
Ng gintong mga kaliskis.”
-Ronald A. Atilano; Sirang Fountain-

26.

“Pagmasdan mo ako, Kaaway.
Ito ang hiwagang
paluksu-lukso
sa damuha’t burol,
di mabitag-mabitag,
ng anumang katwiran.
Ngunit ngayon, humihimpil
sa iyong suklam.”
-J.P. Jacobo; Pabula-

27.

“Ang pakikipag-usap sa kabilang linya
Ay pakikipag-usap sa sarili.
Hindi mo naririnig o sinasambit
Ang kumusta ka, kumusta ka na?
Pagkat nag-uunahan ang isip at salita,
Humahagibis ang mga larawan
At yugto ng dalisay na pagyayakap,”
-Rebecca T. Anonuevo; Tatlong Minuto sa Marso-

28.

“Babangon ako’t susunugin
ang mga rosas sa hardin
na hindi na nagdurugo
ng samyo, hindi na
magdurugo muli.”
-Jim Pascual Agustin; Kuyom-

29.

“Kung lalayo ka pa ng limampung dipa,
nasa labas ka na ng bahay na pinanglaw ng dilaw na dilaw na ilaw,
iisipin mo kung tama bang pitasin pa ang rosas sa hardin
ngunit magdadalawang-isip ka, katulad ng maraming pagdadalawang-
isip, kung tutuloy ka pa bang pumasok, sapagkat patay ang ilaw,
dilaw na dilaw at napakadilim ng bahay.”
-Carlos Piocos; Ang Pagitan-

30.

“Ang talinghaga’y naglilihim gayong naghahaya.
Ang itinutulak sa katotohana’y hinihila,
pinagsasanga ang kahulugan ng bawat palabra,
pinalalayang ganap ang matagal nang nakahawla.”
-Romulo P. Baquiran, Jr.; Talinghaga-

31.

“Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako’y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya’y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong,
walang mata.”
-Jesus Manuel Santiago; Kung ang Tula ay Isa Lamang-

32.

“Pagtula’y maganda kung laging masinop.
Pinagsulsing dama at isip sa mundo
ng mga payaso’t mga pilosopo,
umiibig manding sumpa ng pagbago.
Pangarap panimdim…nililikha’y tao.”
-Monico M. Atienza; Kaibigan II-

33.

“may pambihirang puso
na dito’y pumipintig
at maalala ko
sa dawag ng pagliliwaliw
kung bakit kita iniibig.”
-Sonia Gerilya; Pasalubong-

34.

“At aporia ang simula
ng usapan. Ngunit nasaan
ang mga nag-uusap?
Pawang mga labi ang naiwan.
Sa bunganga ng bulkan.”
-John Oliver Ortega; Mga Tala sa Alaala ng Kagandahan-

35.

“Baseco, mula sa tuktok
ng isang paaralang di matapos-
tapos, mamamasdan ang iyong
orkestra:
mga bitin na
yero                                lona
matanda
haliging kahoy      mga paslit      pawid
sampayan    langaw
mga tambay           tarpulina          at
mga ukang
binabalungan
ng katas-basura–
hindi na magawan sipsipin ng lupa.”
-Erick Dasig Aguilar; Baseco-

36.

“Humahagibis ang mga langay-langayan sa iyong uluhan.
Binabagtas mo ang aspalto ng lansangang sa pagsisimula
ng pakikihimok ng liwanag sa dilim sa papawirin na daan.
Kumakaskas ang iyong anino sa nilalakarang may tanglaw
ng mulat na ilaw ng mga posteng sinisimpan ng dagitab.”
-Alvin Ursua; Anluwage-

37.

“Gaano kalayo ang puntod sa duyan?
Sukatin ang agwat ng diwa sa bisig;
Pakinggan ang uha ng mga sisilang,
Isipin ang mga yumaong may dalit.”
-Lamberto E. Antonio; Prologo-

38.

“Tinggayad sa dilim
Ang buhay na tabsing
Dagat ma’y malalim
Halika’t lusungin.”
-Tomas  F. Agulto; Tinggayad-

39.

“Ngunit sa tuwing sinasalubong ka
sa dalampasigan,
sa tuwing pagmamasdan
ang banyerang halos walang laman
nagdarasal ako, Mahal,
upang magpasalamat.
Dahil sa tuwing hinuhugot ng araw
ang tubig sa laot,
at hinuhugot ng langit
na nagkatawang-lambat
ang mga laman nito,
nagtitira sila ng asin.
Ito ngayon ang nasa hapag natin.”
-Ma. Cecilia de la Rosa; Ang Dagat ang Ating Hapag-

40.

“nais kong alalahanin
ang gabing iyon bilang gabi
ng mga gabi. Kapwa nating hinahanap
ang nikotina sa labi nating
malaon nang walang sindi.”
-Wame Balow; borador-

41.

“Bawal daw manahi pag gabi.
Pero sa morgue, tila sinulsi ng patalim ang buo mong katawan.
Hindi ko na makita ang peklat mo sa balikat.
Wala na ang nunal mo malapit sa pusod.
Binura ito ng kutsilyong matatagpuan anim na metro ang layo sa iyong katawan.
At ngayong gabi, sa ibabaw ng iyong puting kabaong
Kalabitin sana ng bawat tuka ng sisiw ang halang na konsensya ng salarin
Marinig niya sana hanggang panaginip
Ang iyong boses na kanyang pinatahimik.”
-Rustum Casia; Pamahiin-

42.

“Nakadagan sa dibdib ko
Ang talampakan ng estado.
Isang tambak na mga bloke ng semento.”
-Ericson Acosta; Astig-

43.

“Maaaring kabilang sa mga inuusal
ng talaan ng mga minamanmanan
ang iyong pangalan,
maaaring hindi.
Ngunit ang tiyak ay ito:
narinig nila ang iyong tinig,
narinig nila ang iyong tinig.
Sa gitna ng katahimikan ng sementeryo–
kaylakas, kaytaginting ng iyong tinig
at ang iyong pagharana sa buhay
ay lumikha ng kilabot
sa mga kampon ng kamatayan.”
-Alexander Martin Remollino; Sa Isang ang Ngala’y Maaaring nasa Talaan ng mga Minamanmanan-

44.

“Hindi ko alam
kung sino sa dalawang dalampasigan
ang naghatid nitong ulan.
Sinasalo ko ang mga patak,
at ang nagpapaiwan na lamig
sa aking bisig ay may pagsuyo
na kinakabig sa aking gunita
ang recuerdo ng mga nagdaang digma.”
-Jun Lisondra; Recuerdo ng Digma-

45.

“Hindi bulaklak ang pumupula
sa Poinsettia,
kundi ang kanyang dahon.
Marahas itong reaksyon
sa pagkambyo ng panahon.
Kung kaya ang pumpon
ng kanyang lungti ay habol
ang mas maiksing maghapon
upang magpanibagong-kulay
sa mas mahabang paglalamay.”
-Axel Pinpin; Pumupula na ang Poinsettia-

46.

“Ipangako mo
Ka Amado
Di man tayo sabay-sabay umakyat sa langit
higit na mas mahalaga—
Sabay-sabay tayong titindig sa lupa!
Wawakasan natin at tutuldukan
ang sangsiglong sigalot
na nanuot na sa ating kamalayan  ”
-German Villanueva Gervacio; Sansiglong Sigalot (Alay sa Mga Working Class Heroes)-

47.

“Isang gabing kasing itim
Ng budhi ng mandarambong
Ang kalawakan, nanaig
Ang mata mo kaysa antok.
Suot mong roba’y may dampi
Ng ginhawa sa iyong kutis
Ang seda nitong hibla.”
-Roberto Ofanda Umil; Kuneksyon-

48.

“walang bakas ng hapo o inis
ang kanyang mukhang
maputi, marikit at makinis
ni hindi maaninag ang pagkatigmak
sa sarili niyang pawis
kahit bilad sa matinding init ng araw
at lubalob sa putikan na animo’y
tubig na kaylinaw.”
-Maryjane Alejo; Real(m)ismo –

49.

“Sa isang kubling kulubot
ng dibdib ng Lunsod
ang kapihang ito ay sasakyang nakahimpil,
siksika’t kubkob ng dilim
na kagampan sa bulong balumbon-usok kalampag
buntunghininga bungisngis yabag paswit tungayaw…
Manakanakay may mamumukod na halakhak o hagikgik.”
-Romulo A. Sandoval; Gabi, sa Isang Kapihan-

50.

“May mga kalungkutang hindi mabansagan,
Walang dahilan o katwiran,
Kinahihinatnan nang walang kamalay-malay:
May kaunting pangangatal sa ilang bahagi ng katawang
Unti-unti mong napapakiramdaman.
Tinutuluyan mo, o tumutuloy sa iyo,
Bahagyang pananamlay na hindi maiospital.
Ano ang gagawin nila sa ganito?
Kay raming higit pang nag-aagaw-buhay!”
-Rolando S. Tinio; Pagwawalay-

#DAPatLupa

10 Oct

DAPatLupa

Jose Ma. Sison: The Guerilla’s Poems

5 Feb
Gabi ng tula at pakikibaka ni Propesor Jose Ma. Sison.

Gabi ng tula at pakikibaka ni Propesor Jose Ma. Sison.

Image

PORK CHOP: Artists Jam to Abolish All Pork

5 Sep

Featuring:

5 Year Plan
Datu’s Tribe
Bobby Balingit
Karl Ramirez
Danny Fabella
Pia Montalban
Plagpul
Ericson Acosta
Goons ‘N Guns
People’s Future
The Prolets
Bersus
One Last Meal
UGATLAHI

For more inquiry:
Contact 0926.71.63.271

Organized by:
Artists’ Arrest
ST eXPOSURE
KM64 Poetry Collective
KARATULA

In Cooperation with:
AKKSYON (Artista Kontra Kurapsyon)

ABOLISH ALL PORK!
RE-CHANNEL BUDGET TO BASIC SOCIAL SERVICES!

Video

Poets For Teddy

18 Apr

“Ang makata kailanman ay hindi maaaring walang pinapanigan. Kahit noong unang panahon, ang tula ay awit na nagtatanghal ng kabayanihan.”

Poets for Teddy Casiño

14 Feb

Ang makata kailanman ay hindi maaaring walang pinapanigan. Kahit noong unang panahon, ang tula ay awit na nagtatanghal ng kabayanihan. Ang tula ay naging kasangkapan para ilantad ang katotohanan at maging inspirasyon sa pagkakamit ng kalayaan. Kaya nga’t hanggang ngayon, binibigkas at inaawit pa rin natin ang mga tula nina Andres Bonifacio at Amado Hernandez.

Muli, ang mga makata ng Kilometer 64 ay pumapanig sa sambayanan. Marapat lamang na itanghal ang tunay na kakampi sa ating pakikibaka tungo sa “demokrasyang bayan”—isang demokrasyang ang naghahari ay ang sambayanan.

Si Teddy Casiño ay tunay na makabayan. Ilang taong naging lider-kabataan at nagsilbi sa mga manggagawa si Teddy Casiño. Siya ang boses ng sambayanan sa Kongreso. Narito ang kalipunan ng mga tula bilang patunay ng kanyang politika para sa tunay na pagbabago. Ang tiyak na panalo ni Teddy Casiño ay tagumpay natin sa Senado.

earl cocoy axel anonymous angelo emman mj makoy kislap islaw grobyas pinta pia noel murphy2 murphy1

KAMI ANG NAG GATA, IBA ANG NGUMATA

11 Feb

Kung gaano kalayo ang nilakbay ng mga magniniyog na nagmula pa sa mga liblib na lugar sa Timog Katagalugan, ay ganundin ang inilayo ng narating ng usapang ito.Hindi na ang dahilan ng protesta ang headline. Ang laman na ng mga balita ay ang nangyaring “gulo” sa pagitan ng mga pulis na “nagbibigay seguridad” sa tanggapan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) at ng mga nagpo-protesta.

 

Bakit nga ba sila andoon?

 

Bakit ganoon ang kanilang pagpupumilit at galit?

 

Ano ba ang kanilang ipinaglalaban?

 

Yun ang nararapat pag-usapan.

 

***

Uhaw sa Sariling Bansa

-Noel Gomez

 

Nakikinabang lamang

ang mga nagtatayo ng kubol

sa samu’t saring malls,

mga alien sa ibang bansa

 

habang ang mga magbubuko

ay patuloy na binubukol

ng buklod-buklod na magnanakaw

 

sabay kanta ng,

 

♪ The coconut nut is a giant nut

If you eat too much you’ll get very fat… ♪

 

***

Ang Hatol na Hinasa sa Katas ng Niyog

-Kislap Alitaptap

19 Oktubre 2012

 

Namnamin niyo ang agahang

Pinalasa ng katas ng niyog.

 

Namnamin niyo ang hapdi ng usok

Na sumisiksik sa aming mga mata,

At humihila sa aming hininga.

Namnamin niyo ang lutong

Ng sapal na siya ring aming

Ipinampupuno sa humpak

Naming mga sikmura.

Namnamin niyo ang bigat

Ng koprang tumatagos sa’ming

Balat, lumalasog sa aming mga buto,

At tumutunaw sa aming lakas.

Namnamin niyo ang mantikang

Napipiga sa kopra. Ang mantikang

Pinipiga sa buhay ng aming kapatid,

Anak, at magulang.

Namnamin niyo ang aming kabuhayan.

Namnamin niyo ang aming pangarap.

Namnamin niyo ang aming pagsisikap.

Namnamin niyo ang aming paghihirap.

 

Namnamin niyo ang agahang

Pinalasa ng katas ng niyog.

 

Namnamin niyo ang halimuyak ng koprang

Kumukubkob sa koprahang malaon nang

Tinakasan ng ekta-ektaryang kaunlaran.

 

Namnamin niyo ang agahang

Pinalasa ng katas ng niyog.

 

Namnamin niyo ang umagang sa inyong

Pintua’y ipapaskil ng hamog

Ang hatol ng mga magniniyog,

Ang hatol na hindi niyo ikabubusog!

 

Ang hatol na hinasa sa katas ng niyog!

 

***

GATA

-MJ Rafal

 

suman na may latik, bikol ekspres, ginataang tulingan.

bago lumapag sa iyong dila at namnamin ang biyaya

ng linamnam, pakaisipin: may panganib sa tuktok

ng puno at sa pagtawid-tawid sa iskapolding ng mga kawayan.

 

ang coco levy fund, ang coco levy fund ay hindi sa akbayan,

 

kundi sa kanilang inaabot ang puyo ng araw, silang magniniyog.

kaya ang libog sa salapi nitong mga umaangkin, alisan natin ng anit,

ilantad ang bungo, biyakin, katasin, ang gata ng kanilang pagkasakim.

alisan ng latik ang kanilang pagkalintik, angkinin ang tamis

sa anghang ng ekspres, pakainin ng tinik! pakainin ng tinik!

 

***

Kukote ng Niyog na Kinamote

-Rogene Gonzales

 

“Hundreds of protesting farmers stormed the offices of the National Anti-Poverty Commission (NAPC) in Quezon City Thursday, clashing with riot policemen who tried to stop them with fire extinguishers.”

 

-Farmers storm antipovery office, DJ Yap, Inquirer.net (http://tinyurl.com/aqcqc2j)

 

_______

 

Biniyak at kinamkam,

pinaiyak at ipinalaman

ang asim sa sikmura

ng nilimas na limos

sa kukote ng niyog na kinamote.

 

Itinarak sa kawalan,

ipinahamak sa karimlan

ang adhikaing binungkal

ng libu-libong di-lumilimot

sa kukote ng niyog na kinamote.

 

Tinahak sa lansangan,

hinawak sa panawagan

ang karalitaang kinasadlakan

at kinimkim sa kakurakutan

sa kukote ng niyog na kinamote.

 

Ngunit sinadyang pinalabas sa palabas

ibinalita sa init ng nagbabagang salita

na ang tanging mahalagang eksena ay:

 

Sinapak, tinadyak ng tibak,

umimik, sumigaw ng ukinam

gamit ang ngitngit, ang pigoy!

 

Halos walang dahilan,

katiting na dahilan

lamang

ang binanggit

kung bakit

 

ang kukote ng niyog ay kinamote!

 

***

Dapat sa mga Iyan Binabato ng Buko

-Piping Walang Kamay

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

silang ang iniuulat

imbes na katotohanang dapat isiwalat

iyong pananakit sa tv ipinagkit

na dahil sa apat na dekadang panggigipit

yaong mga nagpoprotesta naitulak na pilit

na lumaban na’t gumanti sa pananakit

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

silang nag-uulat

ng kung ano-anong shit

hinggil sa kung bakit

ang mga magniniyog ay naggiit

ng kanilang karapatang ninakaw pilit

ng mga tulad ni Marcos, Enrile, at Danding

at ngayon nga kasama na itong abnoy na praning

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

nagsasabwatan ang mga loko

mula kina marcos, enrile at danding cojuanco

ngayon dumagdag pa itong bagong gobyerno

magniniyog ang lumikha ng kita

mga ulupong ang siyang nagpakasasa

magniniyog ang naghirap

mga damuhong linta ang nagpakasarap

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

huwag lang isa

kundi tatlo

huwag mula sa malayo

ihambalos dapat sa ulo

kapag nabuhay pa ang mga loko

absuwelto!