Iimbak | Ped Xing RSS feed for this section

Hacienda Luisita

17 Nob

[Nobyembre 14, 2011] Malapit na naman ang madugong anibersaryo ng karumaldumal na pangyayari sa Hacienda Luisita, ngunit wala pa ring nagbabago sa kalagayan ng mga magsasaka–maging sa usapin ng kanilang karapatan sa lupa man, o sa katayuan ng hustisya para sa mga pinaslang na mga mahal sa buhay. Ilang taon nang naghihintay ang mga magsasaka? Hindi pa rin nakakamtan ang hustisyang hinihingi nila para sa lupa, at sa mga buhay na ninakaw.

Para sa ikapitong anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre, nagtipon ng mga tula ang Kilometer 64 Poetry Collective para buhayin muli sa alaala ng mga tao ang unti-unting pinapatay na karahasan noong Nobyembre 16, 2004.

Makiisa tayo sa paghingi ng hustisyang matagal nang hinihingi ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita.
 
 
Tuwid Na Daan Ng Hustisya
(Tanaga kay Apong Laza)

-Pia Montalban
 
Pitong taong hinintay
Hustisya’y di dumantay
Sa kanilang naglakbay
Nadatnan nila’y hukay

Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.

 
 
Kaisa ang Lupa
-Lorena Castro
 
May kung anong tunog ang lupa,
tila tibok ng mga pusong umaasa
sa pangakong tuluyan nang ibinaon
matapos maupo sa termino ng ilang taon.

May kung anong tunog ang lupa,
tila batingaw na umaalingawngaw;
nanunuot sa damdaming nais sumigaw,
nagpapaalala sa lagim na dumalaw
dala ng dilaw na halimaw
na maraming buhay ang ninakaw.

May kung anong tunog ang lupa,
tila mga kamaong patuloy na nauuhaw
para sa kanilang lupang pilit na inaagaw
ng panginoong suot ang dilaw na maskara
ng huwad na repormang kanyang ibinabandera.

“Sumulat para sa tao, hindi para sa Tao.” Ito ang naging matibay na pundasyon sa pamamanitik ni Lorena Castro sa loob ng ilang  taon. Tubong Cavite at panganay sa tatlong magkakapatid kaya nahubog sa katatagan ang kanyang personalidad. Bata pa lamang ay mahilig na sa pagbabasa at pagsusulat si Lorena. Lalo itong nahubog nang magmedyor siya sa asignaturang Filipino ng Pansekundaryang Edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sa kandungan ng Maynila niya namulatan ang malagim at masalimuot na bahagi ng mundong kaiba sa kanyang kinalakhan. Naglakbay. Nagmasid. Namulat.

 
 
Dalawa
-Genaro R. Gojo Cruz
 
Tulad mo, naitala rin sa pahina ng lupa
ang kasaysayan ng aking kamatayan-

Ang iyong tahimik na pag-iral,
Ang simula ng aking paghihimagsik.

Tulad mo, inihatid din ako ng dasal
ng ating mga mahal na kababayan-

Ikaw, ng mga umiibig sa kalayaan,
Ako, ng mga itinatakwil ang kasakiman.

Sa ating himlayan,
Dumadagsa ang ating mga dalaw-

Sa iyo’y mababangong bulaklak.
Sa aki’y luha ng mga hampas-lupa.

At sa ating katahimikan, tiyak na masusunod
Ang mahigpit nating bilin sa ating mga naiwan-

Huwag ninyong bibitawan ang ating lupa.
Bawiin ninyo sa kanila ang ating lupa.

Si Genaro R. Gojo Cruz ay lumaki sa Pastol, Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan.  Nakasungkit ng Ikatlong Karangalang-Banggit  sa Talaang Ginto: Gawad KWF sa Tula – Gantimpalang Antonio Laperal Tamayo noong Abril 2011 ang kaniyang “Ang Aking Corazon at iba pang Tula ng Pagtangis”.

 
 
Tagpas
-Ed Nelson R. Labao
 
Tubo na inani pa sa
Hacienda Luisita.

Pinutol

ang mga
biyas.

Inilaan sa aming
mga
dukha

may kakitiran
at
pinagduluhan.

11 Agosto 2011

Si Ed Nelson R. Labao ay gumaod nang matingkad na karanasan sa lansangan, laot at pandaigdigang pantalan. Naging aktibistang politikal, NGO worker, political consultant, seaman at negosyante. Gaya ng isang Ipuipo, hinigop siyang magsulat na salungat sa kasalukuyang ihip ng hangin. Kabilang ang kanyang mga tula at sanaysay sa mga antolohiya ng ANI 23 (Literatura ng mga Bagong Bayani), ANI 28 (The Gender Isuue) at ANI 35 (The Pinoy as Asian) ng Cultural Center of the Phils. Unang nalathala ang kanyang mga tula sa PAROLA, isang seaman’s journal na nakabase sa Netherlands. Kabilang ang  kanyang mga tula sa Tulang Marino at eksibisyon ni Johannes Ode na Kuhang Marino: Images of Filipino Seafarer, itinanghal sa University of the Philippines, Jorge Vargas Museum (2006). Binigkas ang kanyang mga tula bilang bahagi ng Tulang Marino sa Conspiracy Bar sa pakikipagtulungan ng U.P Institute of Creative Writing (Likhaan). Kabilang ang kanyang mga tula sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010).

Mga Tulang Alay Kay Fr. Fausto Tentorio

10 Nob


Kinaumagahan ng Oktubre 17, 2011 nang paslangin ng isang ‘di pa nakikilalang salarin ang misyonerong Italianong si Fr. Fausto “Pops” Tentorio sa labas ng kanyang kumbento. Kasapi ng Pontifical Institute of Foreign Missions (PIME), nakilala si “Fr. Pops” bilang tapat na tagapaglingkod ng mga pisante at lumad sa Arakan Valley, North Cotabato. Tampok ngayon ng Kilometer 64 Poetry Collective itong mga tulang alay sa kanyang alaala.
 
 

Sa Mata ng Lingkod
-Ramon Quizon

Sa mata ng lingkod,
Walang hanggahan ang kalupaan
Di hadlang ang wika

Walang kulay ang balat na saplot
Di hadlang ang kaanyuan

Walang liblib na kagubatan
Di hadlang ang kasukalan

Walang yaman para sa iilan
Di hadlang ang kahirapan

Dahil
Sa mata ng lingkod,

Ang Pag-ibig
Ay Katuwiran at Katarungan

Ngunit
Sa tudlang ilusyon ng kadiliman,

Maghahalo ang balat sa tinalupan

Ngunit
Sa imbing gawi ng kadiliman,

Matitigmak ng dugo ang katigangan

Sa dibdib ng tunay na lingkod,
Di hadlang ang panakot
Walang banta ng tingga at kaduwagan

Sa tunay na lingkod,

Ang kamatayan ay pagkabuhay

Sa isang lingkod,

Ito ang tagumpay!

 
Si Ramon Quizon ay isang mangangalakal (trader), may asawa at 2 anak. Taga Cabagan, Isabela. Ipinanganak noong ika-1 ng Enero, 1980. Isang protestante at nag-aral sa Metro Manila Bible School. Nag-organisa sa hanay ng mga maralitang lungsod, mga mangagawa, propesyonal atbp.
 

Fausto
-Noel Vinoya Gomez

By your words, they have been molded into better citizens.
With your mission, they were enlightened.
Through your love, they treasured you.
Having a strong faith, they have earned your trust.
And with your death, people will continue your legacy.

 
Si Noel Vinoya Gomez ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas. Kasalukuyang private tutor. Madalas magluto, nakikinig sa rock music at magbasa ng mga librong akda at limbag ng kapwa Pilipino sa sariling bansa. Ang mga gusto niyang mabago sa Pilipinas: lakihan ang sahod at damihan ang benefits ng mga manggawang nagpapakahirap upang iangat/mapaganda ang ekonomiya ng bansa; mawala ang mga naglalakihang gusali’t establisyamento, taniman ng mas maraming halaman at puno; at mas tangkilikin ang produktong Pinoy.
 

Father Pops*
-Pia Montalban

Hindi marahil
Dahil tiyak

Nasa kanang bahagi ka ngayon
Sa trono ng Panginoon
Kahit pa buong buhay mo'y
Sa kaliwa ka tumuntong

Marahil sa gilid
Nagtataas ka ng kamay
Nagtatanong

Bakit hanggang langit
May kaliwa't kanan,
O Panginoon

At ngi-ngiti sa iyo
Ang Poon

Kayong tao lamang naman
Nagtakda ng kaliwa o kanan

Sa Aming tatlo'y
Wala namang pula-puti o dilawan

Hindi sa kulay o tindig ang batayan

Niyakap na uri
Batayan ng aming suri

Pati sagot sa tanong
Anong nagawa mo sa mundong
Naghahanap ng pagkalinga mo?

Kaya hindi marahil
Dahil kami'y nakatitiyak

Nasa bahagi ka ngayong
Malapit
Sa trono ng Panginoon

Kahit pa buong buhay mo'y
Inakusahan ka nilang
Paring sumusuway
Sa utos ng panginoon

May-lupa't kapitalistang
Sa pagpanginoon sa kapangyarihan
At pera'y

Siyang itatapon ng Poon
Sa kumukulong kumunoy

Sa pagkapatas ng Panahon

Hindi marahil
Dahil tiyak.

 
Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.
 

Kaisa
-Armando Sinaglahi

Alay kina Fr. Fausto Tentorio at Ramon Batoy

Lahat ay sumasanib sa pangkalahatang alabok
At bumubulwak sa paligid ng kalikasan.

Kaisa ang apoy at tubig,
Ang lupa at hangin.
Kabahagi ng lahat;
Ibinabahagi sa lahat.

Sa pamamalaging kaakbay ng mga paglisan,
Nakiisa kayo sa amin;
Nakiisa kami sa inyo.
Binahagian ninyo kami ng apoy at tubig,
Kapalit ng ibinahagi naming lupa at hangin.

At ngayon,

Sa panahong pinalayas na kayo
Ng mga kampon ng katiwalian--
Upang di na muling magbalik--
Asahan ninyong kaisa pa rin kami.
Kami'y magkakaisa.
Kami'y magiging isa.

Kaisa ang inyong mga alaala
Sa pagdurog ng kasinungalingang
Nagtangkang dumurog sa inyong
Mga bibig ng katotohanan.

 
Armando Sinaglahi. Kadalasang lagalag. Minsanang mangingibig. Manunulat na nagkukunwaring manunula. Mahilig sa bansag na “Kaibigan”, ngunit walang Facebook.

Occupy Movement

31 Okt

Nagkaroon kamakailan ng malawakang pagsasanib-puwersa ng iba’t ibang sektor ng bansa, maliliit na pangkat man o pang-nasyonal. Kahit iba-ibang sektor ang kanilang kinabibilangan iisa lamang ang kanilang sigaw. Sigaw na iba-iba man ang tono, lalim at lakas ngunit ang kabig nito sa kinauukulan ay tila pagbatok sa natutulog sa pansitan.

Dahil dito nakikisanib din ang mga makata ng Kilometer 64 Poetry Collective sa Occupy Movement upang maipakita ang pakikiisa ng pangkat sa layunin nilang gisingin ang mga natutulog at nagtutulog-tulugan sa ating pamahalaan.

Narito ang ilang tula ng mga makata ng nasabing pangkat na may iba’t ibang pagkakakinlanlan sa paglalarawan sa uri ng pagkilos na ito.

O KUNG PASYON

Axel Pinpin

Kung hindi nyo kami papahintulutang mangarap ni managinip,
hindi namin kayo bibigyang pagkakataong matulog ni umidlip.

Kung hindi nyo kami papayagang magtanim,
hindi namin kayo papatikimin ng aming aanihin

O kung pasyon ang paglaban para sa lupa,
ookupahin namin ang bawat pulgada
ng mga abenida at kalsada
sa mga lungsod mula sa mga tumana.

O kung pasyon ang paglaban para sa lupa,
ookupahin  namin ang bawat gusali
ng mga Ortigas at Makati
sa lungsod mula sa mga hasyenda ng hari.

O kung pasyon ang paglaban para sa lupa,
ookupahin namin ang bawat kuwarto
ng mga ahensya ng gobyerno at ng palasyo
sa Malakanyang mula sa mga bukid ng nangasiphayo.

Kayong mga walang pakialam na nanood,
kayong mga tumunganga at tumanghod –
pakinggan ang aming tinig,
tunghayan ang aklasang magbubukid,

ang lahat ng pag-aari –
bukas na ang pagbawi.

Bukas na ang pagbawi!

Si Axel Pinpin ay Secretary general ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).


MGA YABAG NG PAGLAYA

Pia Montalban

Hindi kulog ng paparating na unos
Mga yabag na umuungos

Sa aspaltong gubat ng pagkatalos
Mga yapak na nasanay pumangos

Sa pitak na nangarap humulagpos
Sa linang ng liblubang iginapos

Ng matagal na panahong lubos
Panginoong May-lupang napuspos

Ng biyayang inagaw sa kapos
Ng sagad-sa-butong pambubusabos

Hindi, hindi nga kulog ng paparating na unos
Mga paniningil namin at panunubos

Sila’y hiyaw sa natighaw na agos
Ng lupang diniligan ng dugong umagos

Sila’y mga buhay na binhi, matanda’t musmos
Kalayaang yumayabong sa mga martir na itinundos

Sila’y buhay na nilubos-lubos
Mga walang takot na matapos

Sila’y mga daluyong
ng paparating na ulos
Bigwas sa kanilang
Nagbubulag-bulagan
Nagbibingi-bingihan
Naumid na mga dila
Namanhid na mga balat

Sila’y sigwa
Pag-alagwa

Buhay na daluyong
Mga unos
Kulog
Kidlat
Alon

ng Masa—

Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.


MAGLALAKAD KAYO NA TILA BAGA

German V. Gervacio

Maglalakad kayo na tila baga
Walang humandusay sa dakong ito
Maglalakad kayo na tila baga
Hindi kayo tinatablan ng bala
Maglalakad kayo na tila baga
Nakayukong gintong palay
Maglalakad kayo na tila baga
Ito ang una’t huling paglalakad
Maglalakad kayo na tila baga
Tila bagang ang ringas
Ay di banaag kung araw
Tila bagang di nakapapaso
Huwag lang titingkiin
Huwag lang sasalangin

German Gervacio. Nag-ti-titser-titseran sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT). HpD sa Malikhaing Pagsulat sa UP-Diliman. [HpD=Hindi pa Doktor]. Me 3 Palanca sa Tula, Maikling Kathang Pambata at Maikling Kuwento. Miyembro ng Pasaway Unlimited, isang samahan ng mga [self-proclaimed] Astig na fiksyunista sa bansa.


REPORMA HINDI CHA-CHA

NakedArtist Keith

ang mapagkunwaring reporma
sumasayaw sa saliw ng Cha-Cha

nasa’y ibigay sa dayuhan
lupang laan para sa mga anak ng bayan

hindi kami papayag
di tulad ng Pangulong walang bayag

lupang binuwisan ng buhay
sa dayuhan lamang ba iaalay?

kapag Cha-Cha’y sinayawan
kawawa ang taong bayan
makikinabang silang mga gahaman

lupa ng Pilipinas
ibebentang parang prutas?

nais nami’y pagbabago
hindi panggagago

di ba’t nakanginginig ng kalamnan
ikaw na isinilang sa iyong sariling bayan
mamumuhay na parang dayuhan?

kaya’t aming pupunuin
lakas ay titipunin

isisigaw ang protesta

sa Kalsada ng Mendiola

ayaw namin sa Cha-Cha

gusto’y tunay na reporma!

Si Keith ay isinilang noong ika-9 ng Nobyembre taong 1985, mula sa isang simpleng pamilya ng mga magsasaka. Taglay ang dugong Pilipino, handang lumaban at manindigan para sa pantay-pantay na karapatan.

___________________________________________________

http://pinoyweekly.org/new/2011/10/occupy-movement/

PED XING | Pinoy Weekly

3 Okt

 

 

 

 

Tatlong Tula ni Alexander Remollino
Bobong Panggulo
Apat na Tula ng KM64 Ukol sa Paksang Oil Price Hike at Tigil-Pasada

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 48 other followers