Mga Tula Para sa Mga Kapatid na Magsasaka at sa Kanilang Pakikibaka

17 Okt

Hindi lamang mga magsasaka ang apektado ng usaping agraryo, ‘pagkat nakikinabang din ang mga karaniwang mamayan sa kanilang inaani. Mula sa kanin, asukal, kape, tsokolate, mga gulay at prutas, hanggang sa mga herbal remedy tulad ng Taheebo o Charantia; dumadaan ang lahat ng mga ito sa mga palad ng ating mga kapatid sa kabukiran. Sa madaling salita, ang laban ng mga magsasaka tungo sa tunay na repormang agraryo ay laban din nating lahat. Pinahahalagahan ng mga kasapi ng Kilometer 64 Poetry Collective ang tunay na repormang agraryo. Sa tulong ng aming mga tula, nawa’y maipabot ang pakikibakang ito sa pinakamalawak at pinakamataas na antas.

Magbungkal at Maningil

-Jonathan Vergara Geronimo

Nagtanim

ang namanhid na mga kamay.

Nagbungkal

ang mga sunog na palad.

Naggapas

ang mga kalawanging karit.

Nagutom

ang pamilya ng mga nagpawis at nagdilig.

Manhid

ang walang galos na kamay.

Nanununog

ang unipormadong kasabwat.

Nangangalawang

ang hari-hariang sistema.

Nagpapawis at nagdidilig

ng ginto ang higaang tigmak-dugo.

Hanggang ang dating nagtatanim, nagbubungkal,

naggagapas at nagugutom

ay may araw na lumisan sa kanilang mga sakahan.

Nagpunla ng libong punglo

upang maningil ng kaunting galos

o ulong pugot?

Si Jonathan Vergara Geronimo ay kasalukuyang part-time lektyurer sa kolehyo. Nagtapos ng BSE Filipino sa noong 2008 at kasalukuyang kumukuha ng MA sa Pagtuturo ng Filipino sa PNU. Kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), PSLLF, Philippine PEN at dating patnugot ng Saliksikan at Panitikan sa The Torch. Pinatalsik ng mga kapitalistang pari at admin ng dating pinapasukan dahil sa politika ngunit patuloy na nakikibaka at nagmumulat.


Pulang Balaraw sa Puso ng Halimaw na Dilaw

-Grobyas Magdiwang

Kung ulap ay magdilim,

sindilim ng lagim

at ulan itong babagsak

sa lupain ng Tarlak

aking bibigkisin bawat nitong patak

at ihahagupit sa poon ng pilak

Kung araw ay pumula’t

lipasan ng panglaw,

aking hahasain tabak ko’t balaraw,

kinang ng talim nito’y magsisilbing tanglaw

at sa gitna ng gabing sing-itim ng tagak,

sa puso ng halimaw na dilaw

ito’y aking itatarak.

Kung sila na hindi nagpapagal ay lalong yumayaman

at tayong kayod-kalabaw ay sadlak sa kahirapan

dito sa asyendang hindi lang

katas ng tubo

ang pinipiga

kundi pati mga litid at dugo

ng magsasaka.

Kung ang lipunang ito’y paghaharian

ng mga gahaman,

ang maghimagsik ay hindi lamang makatwiran-

ito’y kinakailangan.

Grobyas Magdiwang. Si Andres Bonifacio ang kinikilalang pambansang bayani, hindi si Rizal. Si Grobyas ay kumukunsumo ng tatlong bote ng Pale Pilsen at dalawandaang tasa ng kape sa loob ng isang buwan. Paboritong kulay ang pula ngunit laging itim ang damit. Pantalo’y punit-punit kaya napagkakamalang adik. Frustrated dahil walang pakialam ang mga dormmates niya sa mga isyung panlipunan kaya’t madalas niyang binubulabog ang buong dorm sa malakas na tugtog ng mga awit ng pakikibaka. Kasapi ng Kapatirang Beta Sigma.


Kalansing

-Mark Angeles

Sa isang dako ng daigdig,

isang kamay ang nagpalaya

sa isang limang pisong barya,

hinagis ito sa himpapawid,

kumislap pang tulad ng nguso

ng mapusok na baril

na kinalabit ang gatilyo

bago bumulusok

sa mga musmos na palad

na sabik na naglulumiyad

para hulihin ang barya

tulad ng isang mailap

na tutubi.

Sa isang dako ng daigdig,

walang kurap ang mga mata

ng isang batang

tinuturuan ng kanyang ama

kung paano mapaglalaho

ang isang limang pisong barya

sa loob ng binuhol na panyo.

Sa isang dako ng daigdig,

kalansing ang dighay

ng kinakalawang na lata

nang busugin

ng limang pisong barya

isang linggong nabundat

sa mga lobo at sampagita

ang tarangkahan ng simbahan.

Sa isang dako ng daigdig,

sinasara ng gobyerno

ang isang kasunduan—

regalong naghihintay

sa bawat magsasaka

ng buong kapuluan—

isang limang pisong barya

na hindi nangingiming

magwika ng, “Gantimpala

sa pagbabanat ninyo ng buto!”

“Pagdamutan na ninyo.”

“Iyan lang ang nararapat

sa inyo, mga putangna kayo…”

Anak ng pitong kulog!

Saang tumbong kaya humuhugot

ng lakas ng loob

ang mga taong-gobyerno?

Sukat akalaing matatanso

ang mga bihasa sa karit at araro,

lansihin sa kalansing

silang nagpapahinog

ng lintik at kamao.

Saan mang sulok ng daigdig

nakaumang ang kanilang anino.

May tatlong koleksyon ng mga tula si Mark Angeles–ang mga indie book na “Patikim” at “Emotero” at isang e-book, ang “Engkantado”.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 94 other followers

%d bloggers like this: