ESPASOL VERSUS NILUPAK

7 Ene
Ang direksyon ng modernistang panulaang P/Filipino
sang-ayon kay Virgilio S. Almario
 

ni Gelacio Guillermo

Bagahe ang pulitika sa pagtula, ito ang pasya ni Virgilio S. Almario sa panayam “Kapag isinangkot ang pagtula: ang panulaang Filipino tungo sa bagong milenyo” (2000). (Para sa kaugnay na mga idea, tingnan din ang “Ang makata sa Albanya: isang pagsusuri sa tulang makabansa” (1982; Balagtasismo Versus Modernismo 1984). Para sa kanya, ang pulitika ay anumang ismong umiinog sa uring panlipunan, kasarian, at lahi. 

Tulad ng ibang mga rebolusyonaryo, ex-rebolusyonaryo o kontra-rebolusyonaryo (kaytagal na nga ng rebolusyon para makalikha ng bagong pangkat ng ganitong mga nilalang), natutunan ni Almario ang salitang “bagahe” mula sa “Bakahin ang liberalismo” ni Mao Zedong (“Wala na ngayong Maoista,” anya) na tumutukoy sa istilo ng pag-iisip at paggawa ng mga kasapi ng Partido mula sa mga uring burgis at petiburgis na nakasasagabal sa pagtupad ng gawaing IPO (Ideolohia, Pulitika, Organisasyon). Ngayon, sang-ayon kay Almario, ang pulitikang ito mismo ang bagahe sa pagtula ng makata. Bakit? Sinisikil ng “linyadong” kahon, anya, ang kalayaan sa paglikha ng makata. “Napakatuwid ng tingin ng ‘linyadong’ pagsulat,” anya, “sa takbo ng kasaysayan at buhay.” Nakakasuya ang “linyadong” pagtula, anya, “lalo na’t dumating ang panahong maglaho ang bighani ng taglay nitong politika.”

Wala sa bokabularyo ng rebolusyonaryong kilusan ang salitang “linyado” kaya’t nakapagtatakang ito ang pagbatayan ng mga haka-haka ni Almario tungkol sa ipinalalagay niyang mapait na kapalaran ng tula at makata sa loob ng “linyadong kahon,” ibig sabihin, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Tungkol sa unang punto: Ang pagsapi sa anumang organisasyon ay isang malayang disisyon ng indibidwal, gayundin ang kanyang pagriresayn sa anumang kadahilanan, liban na lamang kung may mga dahilan para patalsikin siya o gawaran ng mas mabigat na parusa. Bilang bahagi ng organisasyon, tinutupad niya ang mga tungkulin at responsibilidad sa pagsusulong ng mga layunin ng organisasyon, bukod sa pagtatamasa ng mga karapatan at pribilehio. Kung siya rin ay makata, inaasahang gagamitin niya ang kasanayan niya para sa mga layuning ito. Hindi ito paninikil sa kanyang kalayaan sa paglikha; ito ay ang pag-aayon ng kanyang ispesyal na kasanayan sa mga prinsipyo, patakaran at mithiin ng organisasyon. Kung ang organisasyong tinutukoy ni Almario ay ang PKP (na siya namang totoo), hindi maaaring ipauna ng kasapi ang kanyang pagiging makata, sapagkat siya ay isang rebolusyonaryo una sa lahat, o kaya’y ihiwalay ang kanyang pagtula sa pulitika ng kanyang organisasyon. Binatikos nina Lenin at Mao ang dualismo nina Bernstein at Trotsky: proletaryo sa pulitika, burgis sa sining. Sabi nga ni Aime Cesaire, makatang Afrikano, “Ang kanta [na isang anyo ng tula] ay umiinog sa rebolusyon, at hindi ang rebolusyon ang umiinog sa kanta.”

Ang mga manunulat at artista ay kinikilala bilang isang partikular na sektor sa lipunan na may sariling mga karapatan at interes ng mga organisasyong tulad ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS), isang kasaping organisasyon ng Pambansa-Demokratikong Prente.

Tungkol sa ikalawang punto: Tinutukoy ni Almario ang mga tulang nagsisimula tungkol sa opresyon tungo sa pagbabalikwas at magwawakas sa tagumpay. Ito ay isang karaniwang padron/paradaym na makikita kapwa sa mga simple at kumplikadong obrang pampanitikan ng anumang uri. Maraming ganitong likha sa kilusan at may silbi sa paglalarawan ng pagsulong ng kasaysayan sa palargabistang paraan, na ayaw ni Almario. Pero hindi naman lahat ng tula ay ganito. Tulad nga ng kanyang hatol, 10% ng mga tula sa Mga Tula ng Rebolusyong Pilipino (1982) ay pumasa sa sistema ng kanyang pagsusuri. Kung nagpunyagi si Almario sa pananaliksik, nabasa sana niya ang mga tulang naglalarawan ng mga kumplikadong (hindi tuwid, salitang sa ilang pagkakatao’y may dobleng pagpapakahulugan) karanasan sa kilusan, tulad ng mga kontradiksyon sa pagitan ng personal na hangarin at kolektibong interes, ng sentralismo at demokrasya, ng taktika at istratehiya, ng rebolusyon at kontra-rebolusyon, atbp. Ang problema sa mga burgis na intelektwal ay hindi sila sinanay magbasa ng ganitong mga teksto bilang praktikang panlipunan sa loob ng rebolusyon. Sa halip, ipinaiilalim kaagad nila ang mga obra sa mga pormal na kategoryang pampanitikan, tulad nang ginawa ni Bienvenido Lumbera sa tulang awtobayograpikal ni Jose Ma. Sison, ang “Fragments of a Nightmare,” na sang-ayon sa kanya ay isang alegorya, ibig sabihin, isang pinahabang lambat ng mga pandekorasyong (hindi organiko) imahen (!).

At tungkol sa ikatlong punto: Ang mga tula, tulad ng anupamang bagay, ay hindi tumatagal; lagi’t laging lilitaw ang mga bagong tula habang isinasapraktika ng mamamayan ang kanilang pagkamalikhain. Pero ang mga luma ay binabalik-balikan para makakuha ng mga aral na magagamit sa bagong panahon, muling maramdaman ang kahulugan nito bagamat sa ibang kalagayan, at samakatwid ay hindi lubusang naglalaho o isinasadlak sa limot, o isinasaisantabi dahil sa pagkasuya. Sa ating bansa, ang pulitika para sa paglaya ay isang mahabang praktika at nagpapatuloy hanggang ngayon, kung hindi’y paano ipaliliwanag ang antig sa damdamin ng tula nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Jose Corazon de Jesus, Amado Hernandez? Walang tulang hindi pulitikal, iba-iba lamang ang pulitikang dinadala sa paraang direkta, mahinhin o patago, o kaya’y dinadalang konsyus o di-konsyus. Ang mga tulang may anti-mamamayang pulitika ay muli lamang binabasa bilang babala, halimbawa’y ang Ferdinand E. Marcos: An Epic ni Guillermo de Vega (o mga ghost writers sa Consensus, isang ahensyang pampropaganda ng rehimeng Marcos na unang pinagsilbihan ni Almario).

Hindi pwedeng maglaro sa isang salitang inimbento para ilarawan o husgahan ang penomenong panlipunan tulad ng panulaan sa rebolusyon at ng pulitikang nagbibigay-buhay sa kanya at kanyang pinaglilingkuran.

Isa iyang paraan ng pag-iisip ni Almario. May naunang bersyon ito. Noong 1982, inimbento niya ang mga praseng “pansamantalang distansiyang pampulitika” at “taktikal na suspensiyon ng pakikipanig” para gabayan ang pagtula ng mga kasapi ng Galian sa Arte at Tula (GAT) na kanyang ipinundar. Sa patuloy na pag-iral ng batas militar noon, maaaring ito’y hakbang pansiguridad para sa ligal na pagsusulat at paglilimbag. (Ang mga sulatin batay sa panuntunang ito ay bumuo ng tinawag ni Lumbera na “literature of circumvention” o panitikan ng panlalansi; galing din sa kanya ang terminong “disposable poetry” (1971) o mga tulang may minsanang gamit, tulad ng kondom, na tumutukoy sa maraming ahitasyunal na likhang pampanitikan ng mga aktibista bago magbatas-militar.) Bilang maliwanag na pag-atras, nakabatay ito sa dalawa pang aksyon ng pag-atras na mas malala kaysa sa nauna dahil, una, kinailangang ilagay sa pagdududa ang pulitika (ang pagbabagong panlipunan, anya, ay baka matulad lang sa sinabi ng makatang Pranses na si Charles Baudelaire, na paglilipat lang ng kabayo sa isa ring kwadra) at panulaan (“iisa ang tinig, pare-pareho ang talinghaga”) ng PKP; at ikalawa, kinailangang tapatan ang liberal-burgis na “kritikal at humanistang pagsusulat” ng isang pampulitikang programang “demokratiko at makabansa” na hango sa programa ng kleriko-pasistang organisasyon, ang Nagkakaisang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (NPDSP) dahil sa pagkakatulad ng mga idea tungkol sa “awtentikong umanismo,” paglaban sa pamumuno ng proletaryado, at pakikipagkasundo ng mga uri. Ang pag-atras sa (rebolusyonaryong) pulitika ay hakbang tungo sa pagsusulong naman ng (oportunistang) pulitika sa pamamagitan ng panulaang ipinaggiitang hindi “apolitikal” o “tiwalag,” hanggang ang totoo ay maging katawa-tawa.

Galing din kay Almario ang terminong “partidista.” Batay sa kanyang iskema ng tatlong antas ng pagpapaunlad ng panulaan sa panahon ng batas militar, ang ikatlong antas ay ang pagsulat na ginagabayan ng programa ng mga partidong pulitikal. Batay sa iskemang ito, walang ipinag-iba ang PKP, na naglulunsad ng isang pambansang rebolusyon sa pamumuno ng proletaryado, sa mga burgis na partidong elektoral ng naghaharing sistema. Sa kanyang teknesistang pagtingin, ang panulaan ng PKP at Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos ay “magkamukha bagamat nagtutunggali.” Binubura ng korporatistang terminong ito ang distinksyon ng mga imahen batay sa makauring base ng kanilang kapangyarihan at pinatutungkulan ng pagpapahalaga, at ng paninindigan ng mga makata hinggil sa rebolusyon at kontra-rebolusyon.

Iniharap lang ni Almario ang ikatlong antas ng pagsulat para takutin (“wala nang urungan”) ang pinapaboran niyang mga makata noon sa peligro ng pagsusulat na nakapanig sa PKP. Mababanggit na noong 1980, siya ay pinatalsik bilang myembro ng PKP. Siya mismo ang nagbanggit nito sa panayam bagamat hindi niya inilahad ang (mga) dahilan, pero maliwanag ang intensyong palabasin ang sarili bilang biktima rin (isang usong pag-angkin ngayon) ng “Stalinisasyon” ng PKP. Noong 1986, pinatalsik din siya sa GAT ng mayorya ng kasapian nito, na tulad ng sa nauna’y hindi niya binanggit ang kadahilanan, pero ang bagay na ito ay bahagi ng kaalamang publiko: isa siya sa nagpasimuno ng Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy (COWARD) para sa reeleksyon ni Marcos noong 1986.

Ang kanyang pagpapauna (prioritization) sa mga konsiderasyong pansining (dahil sa siya’y kritiko/makata?) ay may epektong pakitirin ang halaga ng malalaking kategorya tulad ng “linyang pampulitika” at islogang “mula sa masa, tungo sa masa.” Tungkol sa “linyang pampulitika,” padaskol niyang sinabing “…[W]ala namang ibig sabihin [ang linyang pampulitika] kundi pagsusulong sa estetikang nagagabayan ng pagsusuring panlipunan at rebolusyong pampulitika.” Hindi naililinaw sa ganitong pagsasabi ang bigat at ugnayan ng mga kategoryang pangkilusan tulad ng pulitika, estetika at ideolohia. Ang linyang pampulitika ay ang direksyon ng praktikal na pagkilos tungo sa layunin ng pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihang pang-estado. Sa ganitong batayan nagsisilbi ang panitikan at sining sa pulitika. Isa itong antas ng pagkakaisa ng dalawang kategoryang hindi pantay batay sa papel nila sa praktikang panlipunan. Ang isa pang antas ng pagkakaisa ng pulitika at sining ay nakapaloob sa mismong likhang sining, na ang mapagpasya ay ang pulitika. Ang ugnayan ng pulitika, sining at ideolohia ang bumubuo sa katangiang partisano ng mga likhang sining. Tuwid nga ang linyang pampulitika (paano mahahagip ng sibat ang target kung hindi ito tuwid?), pero may iba’t iba itong mga porma at nilalaman, dumadaan sa iba’t ibang kalagayan, gusot at panganib, higit sa sapat para biguin ang buryong ni Almario. At may sapat na paglalarawan ang mga ito sa panitikan ng rebolusyon; ang husga ni Almario na “iisang tinig, pare-parehong talinghaga” ay batay sa mga halimbawang kanyang nakita at hindi saklaw ang iba pang mga likhang marahil ay hindi nakaabot sa kanyang pansin. Samantala, ang walang alam lamang ang magsasabing hindi naging matagumpay ang implementasyon ng islogang “mula sa masa, tungo sa masa” para mahalukay ang bukal ng panulaang kilala ng masa. Paano ipaliliwanag ang popular na paggamit ngayon sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan ng salidum-ay, ullalem, napasamak, composo, ismayling, baleleng, ambahan, atbp? Pero tulad ng gawi ni Almario, hindi wastong ipakat ang islogang ito sa gawaing ito lamang. Ang “mula sa masa, tungo sa masa” ay isang patuloy, pangkalahatan at palagiang proseso ng pag-alam at pagsasapraktika, ng pagwawasto ng mga kamalian at pagpapataas ng mga mithi, na sa tuwina ay nakabatay sa gawaing masa at ginagabayan ng ideolohia ng proletaryado.

Ang gawi ni Almario na pakitirin ang halaga (paano nga ba sasabihin ang “reduce” mula sa “reductionism”?) ng mga kategoryang pulitikal sa mga usaping pampanitikan ay nagreresulta sa pagpapababaw ng mga kategorya at pagpapahina sa tunay nilang kapangyarihan. Ganito rin ang ginagawa niya para sa panitikan: tangka niyang ilabas ito sa sakop ng pulitika (isang imposibleng gawain), tanggalan ng kahulugan bilang panlipunang praktika, at itaas sa pedestal ng “belles-lettres.” Ito ay maliwanag na pagtalikod, at pagtataksil, sa tinawag niyang “mahabang tradisyon ng panlipunang pakikisangkot ng panulaang Pilipino.”

Ang mga tanong (Ano, Paano) na mahalaga sa paglilinaw sa paraan ng paggawa ng mga rebolusyonaryong manunulat para maging makabuluhan ang kanilang mga likha sa kanilang odyens, tulad nang isinasaad sa “Porum sa Yan’an,” ay nauuwi na lang bilang teknikal na mga usapin. Ang responsibilidad ng mga manunulat sa pag-alam sa buhay at pakikibaka ng masang anakpawis at pakikiisa sa kanilang mithiin at ang paninimbang sa pangangailangan ng popularisasyon at pagtataas ng pamantayan ay binabale-wala ni Almario para halinhan ng “walang pakundangang pakikipaglaro sa paksa…upang makapagpanukala ng sariwang parikala.”

Sa usapin ng kritisismong pampanitikan (isang larangan ng tunggaliang ideolohikal), sinabi niyang nanahimik (“wari’y may sabwatan”) ang mga kritiko kapwa sa magkabilang panig tungkol sa mga isyung kanyang inihapag (sa ilang pagkakatao’y katulong niya rito si Epifanio San Juan, halimbawa’y sa usapin ng “functionalism” at “Marxismong may artritis”). Nagbigay siya ng mga dahilan. Sa panig ng mga “linyado,” sinabi niyang “Walang naging artikulasyon ang…panitikang U.G. [underground] upang gagapin ang batayang estetika…[H]indi…marahil makabuluhan ang naging mga pagsisiyasat…” Sa panig naman ng mga anti-linyado, sa halip na makipagtagisan ay naghanap na lang ng ibang usapin – sex, postmodernismo, post-kolonyalismo, atbp. at nagkasya na lamang sa “kritisismong kontext.” Ayon kay Almario, ang kritisismong kontext ay “isang uri ng kritisismong mahilig lumingon sa pinanggalingan at paligid-ligid ngunit ayaw tumitig sa kasalukuyan.” Batay sa kanyang depinisyon, kaiba ito sa kritisismong isinasaalang-alang ang mga kalagayan, salik at pwersa sa produksyon ng mga likhang sining at silbi nito sa odyens bilang isang panlipunang praktika.

Para sa kritikong kilala sa pananaliksik, nakakabahala ang paggamit niya ng mga salitang “wari” at “marahil” sa paggawa ng kongklusyon. Maihahanay ang ilang susing dokumento ng kilusan na naglilinaw tungkol sa estetika ng panitikan nito: ang dokumentong PAKSA, 1971, na pinangasiwaan ni Lorena Barros; ang dokumento ng Ispesyal na Komite sa Kultura ng Komisyon sa Edukasyon at Propaganda tungkol sa sining at panitikan sa mga sonang gerilya, 1984; ang mensaheng “Ang panitikan at komitment” ni Jose Ma. Sison para sa mga kasapi ng U.P. Writers Club, 1984; at ang mga batayang dokumento ng PKP, Bagong Hukbong Bayan, Pambansa-Demokratikong Prente at ARMAS. Ang mga likhang pampanitikan at pansining na lumalabas sa Ulos at iba pang mga publikasyong pambansa at panrehiyon ay patunay sa patuloy na pagsapol at pagpapakabihasa ng mga rebolusyonaryong manunulat sa estetikang nakaugat sa pagiging malapit sa masang anakpawis ng mga organisadong pwersa at kaalyado ng kilusan. Sa mga larangang gerilya sa Cagayan, halimbawa, mayroon silang ginagamit na terminong pang-estetika: natan-ok (marangal). Ang ikalawang kilusang pagwawasto sa unang hati ng dekada 90 ay lalong nagpatibay sa kawastuhan at pangangailangan ng estetikang ito, na tulad ng ibang gawain sa rebolusyon ay nakabatay sa gawaing masa.

Ang kanyang paliwanag tungkol sa “pag-iwas makipagtagisan” ng mga anti-linyado ay maaaring totoo, pero ikinukubli ng ganitong paliwanag ang pagkilos ng mga anti-linyado para itatag ang mga base ng kanilang kapangyarihan/kontrol/impluwensya sa mga institusyong pangkultura sa gubyerno (CCP, NCCA), unibersidad (departamento ng panitikan at wika, sentro ng malikhaing pagsusulat, imprenta), malaking negosyo (Anvil), masmidya (mga seksyong pang-Lifestyle ng Philippine Daily Inquirer, Philippine Star, Panorama ng Bulletin Today) atbp. at mula roo’y isulong ang kanilang adyendang pampanitikan at sikaping pahinain o hadlangan ang paglaganap ng panitikang rebolusyonaryo, o yakagin sa kanilang “barkada” (termino ni Pantoja-Hidalgo) ang mga dating aktibistang ngayo’y nakapwesto sa mga unibersidad, o maglatag ng panuntunan para sa kritisismong hindi komprontasyunal (galing kay Doreen Fernandez ang “smooth interpersonal relationship” na bagay daw sa kultura ng pakikisama ng mga Pilipino), o itakdang sa panahon ng postkolonyalismo (!) ang gubyerno at/o akademya ang responsable sa pagbubuo ng “canon” (pulitikal at artistiko, pero kaninong pulitika, kaninong kredong artistiko?) para sa pambansang panitikan (Lumbera), o pagsilbihin ang kulturang tradisyunal para sa pagpapalaganap ng “benepisyo” (sa mismong mga magbubukid at katutubong pinagmumulan ng teknolohia ng mga tradisyunal na pormang pangkultura?) ng Medium-Term Development Program ng gubyerno (Nicanor Tiongson). Ito ang pinagkaabalahan ng mga anti-linyadong manunulat/burukrata sa dekada 90, ang panahon ng imperyalistang globalisasyon, ang pagbagsak ng Unyong Sobyet, at pagpapanibagong-lakas ng PKP mula sa epekto ng malalaking kamalian at paglihis sa buong kilusan noong dekada 80.

Magkatuwang sa pagkilos na ito ang mga “master poet” (termino ni Ruel de Vera) ng mga panulaan sa Ingles at P/Filipino. Isang halimbawa ng “partnership” na ito ay ang idinaos na Asia-Pacific Indigenous and Contemporary Poetry noong nakaraang taon. Sa kasamaang-palad, pinalabas lamang nila ang kanilang sarili na walang alam tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng panulaan sa hanay ng mga katutubo sa ating bayan. (Tingnan ang aking sanaysay tungkol dito sa highchair.)

Ang sentro ng kapangyarihan para sa pagsasanay sa pagsusulat at pagtuturo ng panitikan ay monopolisado ngayon ng mga anti-linyado. Halimbawa ng ganitong sentro ay ang mga “creative writing center ” ng UP (sa lahat ng kampus nito sa Luson, Visayas at Mindanaw), Ateneo, UST, La Salle, na walang ipinag-iba sa pinakaunang bastyon ng Bagong Kritisismo (“New Criticism”), ang “writing center” ng Silliman University sa pamumuno ng mag-asawang Tiempo at ngayo’y ipinagpapatuloy ni Edith Tiempo, ang Pambansang Artista ng Cultural Center of the Philippines/National Commission on Culture and the Arts. Ang regular na gawain ng mga sentrong ito ay ang pagdaraos ng “writing workshop” sa gabay ng mga “visiting” at “resident writer” sa mga unibersidad na ito.

Paano at bakit sumulpot ang mga “writing center/workshop”? Bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, walang ganitong institusyon sa Estados Unidos, pero itinayo ang mga ito sa mga unibersidad pagkatapos ng gera para sa mga manunulat na Amerikano at kalauna’y nagtatag din ng mga “international writers program” para sa mga dayuhang manunulat mula sa mga bansang kontrolado o impluwensyado ng imperyalismong US. Sa simula’t simula, ang panuntunang gumagabay sa nga sentrong ito ay ang panuntunan ng Bagong Kritisismo: Walang ismo, walang linya, ang tunay na trabaho ng makata ay ang paghahanap ng talinghaga, mahusay na lenggwahe at mabisang paraan ng pagpapahayag sa kanilang nais itula, personal, pandaigdigan (“world-class” ang termino ngayon dahil sa imperyalistang globalisasyon), walang pagkalaos dahil walang kinakapitang pulitikang ang bighani’y naglalaho. (Kung sintunog ang mga ito ng mga idea ni Almario, patunay lang na matagal na siyang nabighani sa mga idea ng Bagong Kritisismo, noon pang dekada sisenta, ayon sa kanyang pag-amin at mismong praktika sa kritisismo.)

Ito ang mga ideang pampanitikan na ipinalaganap ng imperyalismong Estados Unidos sa lipunan nito at sa mga dayuhang bansa sa buong panahon ng Cold War (na pormal na nagwakas noong 1989 sa pagbagsak ng Unyong Sobyet) bilang kasangkapan nito sa kampanyang anti-Komunismo. Ito pa rin ang panuntunang ipinatutupad ngayon sa panahon ng imperyalistang globalisasyon at gera laban sa terorismo.

Walang “writing center/workshop” sa tipong alam natin sa Estados Unidos noong mga dekadang 20 at 30. Sa panahon ng pagbagsak ng “stock market” sa US, ang mga Amerikanong manunulat tulad nina James Agee, Ernest Hemingway, John Steinbeck atbp. ay nagsulat tungkol sa kalagayan at pakikibaka ng mga manggagawa sa minahan, pabrika at taniman. Ang kanilang mga sulatin ay inililimbag ng The New Masses, isang radikal na “little magazine.” Ang ganitong publikasyon (karaniwang apat na beses lumabas sa isang taon, maliit ang sirkulasyon) ay dumani noong mga dekadang 50 at 60 sa pagpopondo ng mga ahensyang pangkultura ng CIA, kasabay ng “witch-hunting” ni Joseph McCarthy. Ang pakikilahok ng mga manunulat sa mga usaping panlipunan ay nanumbalik noong mga huling taon ng dekada 60 at mga unang taon ng dekada 70 sa panahon ng pagtutol laban sa gera sa Byetnam sa pamumuno ng mga makatang nasa labas ng mga unibersidad tulad nina Lawrence Ferlinghetti, Allen Ginsberg, Robert Lowell, atbp. Ang ganitong pakikilahok (ang paglabas ng mga makata sa mga unibersidad para mamahayag sa kalsada) ay tinutulan ni Lionel Trilling, dating radikal na kritiko at kalauna’y naging burukratang propesor sa panitikan sa konserbatibong Columbia University. Kamakailan lang, sumama ang mga makatang tulad nina Rita Dove at (muli) Ferlinghetti sa kampanya laban sa gera sa Iraq; ilandaang tula ng gayundin karaming makata ang nagsumite ng kanilang mga tula sa Kongreso ng Estados Unidos bilang testamento ng kanilang pagtutol sa muling pandarambong sa mundo ng Estados Unidos sa balatkayo ng “war on terror.”

Sa Pilipinas, ang “writers workshop” na nakabase sa unibersidad ay nagsimula sa Pilipinas noong ikalawang hati ng dekada 60. Monopolisado ng mga manunulat sa Ingles ang mga naunang “workshop,” ang kalauna’y paglahok ng mga manunulat sa Pilipino ay kasabay ng kanilang radikalisasyon sa pulitika bunga ng kilusang propaganda para sa pambansang demokrasya at pandaigdigang mobilisasyon laban sa gera ng imperyalismong US sa Byetnam. Sina Almario at Amado Hernandez , gayundin si Salvador P. Lopez ay nagkasama sa ganitong “workshop” noong 1969 at namuno sa pagtataguyod ng panitikang nakikisangkot. Ang pormal na pagtatayo ng Creative Writing Center sa UP ay inianunsyo ni Marcos sa Afro-Asian Writers Symposium na idinaos sa Maynila noong 31 Enero – 3 Pebrero 1975. Sa harap ng mga anti-imperyalistang delegado mula sa iba’t ibang bansa sa Africa at Asya, iginiit ni Marcos na “Sa wakas, hindi na maghahanap ng papel sa lipunan ang malikhaing manunulat.” Inilako din ng dalawang delegado ng Pilipinas, sina Cirilo Bautista at Rolando Tinio, mga produkto ng International Writers Program sa Iowa University (na pinopondohan ng US State Department), ang mga pagpapahalaga ng Bagong Kritisismo, ang unibersalismo at natibismo, mga kategoryang labas sa dinamismo ng kasaysayan at uri.

Ang Bagong Kritisismo ang panuntunan sa pagpapatakbo ng UP Creative Writing Center. Ang mga salita ni Almario ay sintunog ng mga salita ni Marcos na nagsabing, “Ang pinakadakilang panitikan, kundiman ang pinakadakilang sining, ay nagtataglay ng lakas na kadalasa’y laban sa pulitika. Tinatalikuran nito ang silakbo ng aktibismo na para bang natural nang alam na ang kapusukan ng aktibismo ay halik ng kamatayan.”)

Ang 2000 panayam ni Almario ay isang demonstrasyon ng kanyang istilo ng pagsusuri: sa isang banda ay ang mga tulang “mabuti” at sa kabilang banda ang “masasama.” Sa kanyang paggamit, hindi mga terminong moral ito kundi teknikal, tulad ng paliwanag sa The Stuffed Owl, an anthology of bad verse ni Wyndham Lewis; gayunman, teknikal na’y pinakitid pa ni Almario ang “trabahong pangmakata” para itampok lamang ang mga teknikang kinasanayan ng mga makata ng Bagong Kritisismo. Halimbawa, ang talinghaga (“metaphor”) ay isa lamang sa maraming porma ng panulaan, at higit na mas marami ang teknikang pang-retorika na nagagamit ng mga makata (sa panulaang Anglo-Amerikano, may limang dantaon ng panulaang binabalikbalikan ang mga makata sa Ingles para sa kanilang modernistang layunin). Sinamantala ni Almario ang pagpapakitid na ito para itampok ang tinatawag niyang mga “kahinaan” ng mga tula nina Lilia Quindoza, Tomas Agulto at Pete Lacaba. Ito’y pangunguto na lamang (“nitpicking,” ang sabi ni Mao) sa mga “linyadong” tula na inunahan na niya ng kanyang prehuwisyo.

Nakarurok sa panuntunan ng panunuri ni Almario ang kategorya ng aliw sapagkat nakapaloob dito ang kanyang paningin-sa-daigdig. Lubos ang paghanga niya sa tula ni Vim Nadera, ang “Espasol,” isang tipikal na produkto ng Bagong Kritisismo – pira-piraso’t magkakaibang tibtib mula sa materyal na mundo na ipinapaloob sa kalooblooban (psyche?) ng makata para ilarawan o buuin ang isang damdamin o idea, na nakalahad sa unahan pa lang ng tula: …Abentura ang turing ko sa iyo/ Mapanglaw ngunit di mapanganib. Sinagpang ito ni Almario para ibandila ang kasukdulan ng kanyang panlasa: “Tulad ng sining, kahit ang pagkain lamang ng espasol ay tigib ng tentatibong pagbabakasakali at di-inaasahang pangyayari. Ang ganitong pakikipagsapalaran ang totoong alindog ng sining at pagtula.”

Ngayo’y huli na marahil para himukin si Almario na basahin ang isa namang tula ni Jimmuel Naval, “Ang paggawa ng lupak” (Bigkis 1994). Sa pormang pamilyar sa nagbabasa ng kukbuk ni Aling Charing, inilarawan ni Naval ang proseso ng paggawa ng lupak at ang mga pwersang panlipunan na nagpapawis para sa produksyon ng mga sangkap. Ganito niya winakasan ang tula: Pagsama-samahin, haluin/ ilagay sa malalaking bandehado/ ihain at likumin muli/ matapos tikman at paglaruan/ ng anak ng asendero.

Narito ang istratajem para sa tunay na aliw ng sining at pagtula ng mga nagbabangong uring panlipunan, sapagkat ang paglibak at pagkamuhi sa mga naghaharing uri, at ang pagtatawa sa kanilang ugaling matapobre, ay isa ring anyo ng pyesta ng mamamayan para gawing ilihitimo ang paghahari ng mga hari-hari sa lipunan. Ang api ma’y mayroon ding makauring “frisson aesthetique” (aliw pang-estetika)!

Sundan natin ang mga bagong pakikipagsapalaran ng mga gumagawa ng lupak (at nagsusulong ng agraryong rebolusyon), kumakain ng pinawa (at sumusumpa sa Pulang bandila), at nanghuhuli ng isdang-bato (at pinatutuloy ang mga kasama sa kanilang mga dampa). Silang wala sa toreng garing ni Virgilio S. Almario/Rio Alma.

———-

Tungkol sa may-akda: Dumaan din si G. Guillermo sa International Writers Program sa Iowa University, 1970-71. Kinatawan niya ang Pilipinas sa 27th Poetry International Festival sa Rotterdam, Holland, 1996.

<br>

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 94 other followers

%d bloggers like this: