DUBAI

Agosto 7, 2007

Dubai

Mark Angeles

Isa ako sa limampu’t isa.
Ilang buwang inayos
ang aming mga pasaporte
at aming mga VISA.

Alam kong may batong nakatali
sa puso ni misis:
umiiwas siya ng tingin
kapag siya ay aking tinatanong
na para bang sa mga mata niya
may mga luhang
pinipigilan niyang umahon
Isang araw, nag-uwi siya ng maleta,
Pinaglumaan ni Kuyang.
Si Utoy rin ay may sorpresa;
isang mumunting regalo
na nang aking bulatlatin,
naroon, nakabalot sa diyaryo
ang isang pait-
magagamit ko raw sa pagkakarpintero.

Niyakap ko nang mahigpit ang aking anak.
Construction worker si tatay,
sabi ko na, aywan, para ba akong nahilam.

Maraming pangako ang Dubai.
Malamig ang gabi, maalinsangan ang araw.
Uuwian ko ng tsokolate si Utoy,
kay misis naman ay kamelyo.
Biro lang, sabi ko, siyempre pabango.

Kung bakit sa Iraq kami napadpad,
wala akong rasong mahagilap.
Anong biro ng tadhana itong kumakambat?


ANG LALONG MAHALAGA SA ATING PANAHON

Agosto 2, 2007

ANG LALONG MAHALAGA SA ATING PANAHON
Alexander Martin Remollino

Kay Aquilino “Koko” Pimentel III, ang tunay na ika-12 senador ng halalan ng 2007

Gusto ko sanang humiling ng aral sa iyo
hinggil sa kung paano ang digmaang
ang labanan ay isa sa sandaan,
ang kalaban mo ay buong daigdig.
Sapagkat nauna ka sa akin,
at ang landas ng buhay
ay maraming laang patibong
na mahirap takasan –
kabilang ang mga digmaang
wala kang kakampi,
o kung may kakampi ka man
ay siya ring kaaway mo pala.

Ngunit huwag na muna.
Sapagkat sa wari ko,
higit na mahalaga sa ating panahon
ang alamin

kung bakit tayo ngayo’y napaliligiran
ng mga matang di man lamang nagtitis
sa pagdaan ng nakangisi’t nandudurong katampalasanan –

na tila ba hindi nakasusulukasok
ang amoy ng bulok na bangkay,

na tila ba hindi nakababasag ng tainga
ang mga kantang wala ni titik, ni tugtog.