Disyembre 25, 2005
LUMANG LARO
Alexander Martin Remollino
Hindi na bago ang laro nilang ito –
ang pagsasabing putol talaga ang paa ng kabayo
upang itago ang pagputol nila sa paa nito.
Sinasabi ni Miguel Rene Alcantara Dominguez,
ang Kagalang-galang na Gobernador ng Sarangani,
na ang mga palakang nakalalason
ay bahagi ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino
kaya maraming pamilya sa isang nayon sa Sarangani –
na ang mga tagapaghanapbuhay ay pinagsisibak
ng Sarangani Agricultural Company, Inc. noong 2003 –
ang nag-uulam ng palakang nakalalason.
Sinabi rin ng kampon ni Marcos noong araw
na ang mga kalahok sa demonstrasyong binuwag ng pulisya
noong 26 Enero 1970
ay nagbarilan
kaya apat na raliyista ang nabuwal nang gabing iyon.
Sinabi rin ng mga kampon ni Arroyo kamakailan lamang
na welgista ang bumaril sa kapwa welgista
sa Hacienda Luisita noong 16 Nobyembre 2004
habang binubuwag ng militar at pulisya ang piketlayn
kaya pito ang nalagas sa hanay ng mga welgista
at daan-daan pa ang sugatan.
Lumang laro na itong kanila pa ring nilalaro.
Kaya hindi na rin nakapagtataka
na ngayo’y sinasabi ni Miguel Rene Alcantara Dominguez,
ang Kagalang-galang na Gobernador ng Sarangani,
na ang mga palakang nakalalason
ay bahagi ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino
kaya maraming pamilya sa isang nayon sa Sarangani –
na ang mga tagapaghanapbuhay ay pinagsisibak
ng Sarangani Agricultural Company, Inc. noong 2003 –
ang nag-uulam ng palakang nakalalason.
Hindi na bago ang laro nilang ito –
ang pagsasabing putol talaga ang paa ng kabayo
upang itago ang pagputol nila sa paa nito.
Mag-iwan ng Puna » |
Poetry |
Permakawing
Ipinaskil ni Mithi
Disyembre 22, 2005
HINDI KA IBINABASURA NG AMING ALAALA
Alexander Martin Remollino
Itinapon ka ng kanilang gunita,
ngunit hindi ng aming gunita.
Paano ka ibabasura ng aming alaala?
Sa isang kamay mo’y naghuhumiyaw
ang katibayan ng iyong kabayanihan
noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig,
habang sa kabilang kamay ay nakaluklok
ang isang latang tagasambot ng mga baryang inihuhulog
ng mga mahabaging kamay.
Pagpapalimos ng habag ang huli mong hantungan.
Ikaw, na nakipagbuno kay Kamatayan
upang huwag maging kahabag-habag ang bansa,
ay nauwi sa pagpapalimos ng habag.
Sapagkat itinapon ka ng kanilang gunita.
Itinapon ka ng mga gunita
nilang iilang hari-harian ng ating lupain,
sapagkat ang ginugunita nila
ay ang Kalbong Agilang lumipad palayo
nang maghasik ng nakatutunaw na init
ang Sumisikat na Araw ng Silangang Asya
at bumalik na lamang upang tayo’y sagipin
matapos na mabitay ang mga Tojo’t Yamashita.
Itong Kalbong Agilang makalawang dumagit sa ating bayan
matapos nating makalag ang gapos ng ibang dayo –
ito ang pinili nilang gunitain.
Kaya’t itinapon ka ng kanilang gunita.
Ngunit hindi ka ibinabasura ng aming alaala –
hinding-hindi, at ang aming pag-alaala sa iyo
ay isang hakbang din tungo sa aming pagsasadlak sa kanila
sa nararapat nilang kauwian –
ang basurahan ng kasaysayan.
Mag-iwan ng Puna » |
Poetry |
Permakawing
Ipinaskil ni Mithi
Disyembre 7, 2005
DIKLAP
Plaza Rizal, Pasig City
DIsyembre 11, 2005 4pm
Isang hapon ng mga tula at iba pang pagtatanghal
hatid ngĀ KM64 at ng mga artista’t manunulat sa Lungsod ng Pasig.
Mag-iwan ng Puna » |
Activities |
Permakawing
Ipinaskil ni km64